DAKILANG BANDILANG ANAK SA LABANAN
by Ian Christopher B. Alfonso at Reymann L. Guevarra

 

      Nasa kabundukan na ng Cordillera, partikular sa Lubuagan, Distrito ng Lepanto (ngayon ay Kalinga) ang pamahalaang gerilyero ni Hen. Emilio Aguinaldo.  Noo’y Disyembre 1899.  Nasa panahon pa rin ng pagluluksa ang mga kawal Pilipino sa pagkakapaslang sa Pasong Tirad ni Hen. Gregorio del Pilar.  Ang kabayanihang iyon ni del Pilar ang dahilan upang makapagtago pa sa Lubuagan sina Aguinaldo at maipagpatuloy ang pakikidigma sa mga Amerikano.  Ang buhay ni del Pilar ang dahilan upang mailigtas si Aguinaldo, ang simbolo ng batang bansang Pilipinas, at makitang nakawagayway sa sariling lupain at papawirin ang Pambansang Watawat ng Pilipinas.

       Sa Lubuagan ay kumatha ng isang tula si Aguinaldo ukol sa Pambansang Watawat.  Binanggit niya na “sa silangan araw ay sikat na, Pilipinas [ang] unang nakakita” at “taglay [nito’y] tatlong talang maganda, pawang [makikinang] at mahalaga.”  Dagdag pa, “[ang] sinag ng araw bilang ay walo, Pilipinas ang tinungo.”  Inilarawan rin ni Aguinaldo na ang Pambansang Watawat ay “dakilang bandilang anak sa labanan galang sa’yo’y walang katapusan; ikaw ri’t ikaw ang [ipagdiriwang] kailan man, habang may buhay.”  Ang mga taludtod na ito ay pawang mga pahayag ng pagbibigay-diin ni Aguinaldo na kailangang mabatid ng mga Pilipino na ang ating watawat ay bunga ng pakikibaka ng mga Pilipino at ito’y dapat “ipagdiwang kailan man, habang may buhay.”

        Sa katunayan, bago pa man niya isulat ang tulang ito, noong 29 Setyembre 1898, sa araw ng pagratipika ng Congreso Revolucionario sa kalayaan ng Pilipinas sa Simbahan ng Barasoain, unang ipinahayag ni Aguinaldo na ang Pambansang Watawat ay “Bandilang ipinanganak sa pakikilaban” at “siya ngang tinatanghal at iginagalang sa buong Pilipinas.”  Ang naturang talumpati rin ang unang pagpapahayag ni Aguinaldo sa kahulugan ng ating watawat.  Ayon sa kanya, ang pula ay sagisag ng tapang at kabayanihan ng mga Pilipino at ang pinakakilalang kulay mula Cavite hanggang Biak-na-Bato.  Ang asul naman, na ayon kay Aguinaldo ay itim dapat, ay kulay na nagpapahayag ng pagbabanta sa sinumang bansang nais mang-alipin muli ay mauubos ang lahat ng Pilipino bago nila makuha ang Pilipinas.  Ang puti naman ay pagpapahayag ng pagsasarili ng mga Pilipino.  Ang mga bituwin ay sagisag ng Luzon, Visayas at Mindanao.  Ang walong sinag ng araw ay ang walong lalawigang ipinailalim ng Espanya sa estado de guerra, at ang mga lalawigang ito ang nagsilbing tanglaw sa iba pang lalawigan at mga katutubo ng kabundukan at ibang mga pulo upang sama-samang labanan ang mga Espanyol.

       Nagsilbing tanglaw ng mga Pilipino sa gitna ng mga labanan ang Pambansang Watawat.  Mula nang ito’y unang masilayan ng mga rebolusyunaryo sa daungan ng Cavite Nuevo noong 28 Mayo 1898 at opisyal na ipinakilala sa buong sangka-Pilipinuhan sa Cavite el Viejo (Kawit) noong 12 Hunyo 1898, ang katayugan ng ating Pambansang Watawat ay sagisag ng kagalakan ng ating mga ninuno sa pananagumpay ng ating kalayaan.  Sa bisa ng Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino na binasa ni Ambrosio Rianzarres Bautista, ang mga kinatawan ng iba’t ibang lalawigan ay nagkaisang gumamit ng iisang watawat at dito’y “taimtim na [nanumpa] upang kilalanin at ipagtanggol ito hanggang sa huling patak ng kanilang dugo.”

     Wala na ang mga Espanyol.  Naisilang na ang unang demokratikong republikang konstitusyunal sa Asya noong 23 Enero 1899 sa Malolos.  Dumating naman ang banta sa kalayaan at kasarinlan ng mga Pilipino – ang mga Amerikano.  Isa ang Estados Unidos ng Amerika sa mga bansang hindi kumilala sa kalayaan ng Pilipinas at kumwestiyon sa paggamit ng ating mga ninuno ng Pambansang Watawat.  Ito nama’y inilaban ni Felipe Agoncillo sa kanyang paggiit na kilalanin ng Espanya, Estados Unidos at Pransya ang pamahalaang Pilipino.  Ganoon pa man, pinanindigan ng mga kawal ng unang republika ang pagdala sa Pambansang Watawat — sa mga kaparangan, kapatagan, kabundukan, kung saan man sila dalhin ng kapalaran sa gitna ng Digmaang Pilipino-Amerikano.  Bumagsak man ang pamahalaan ni Aguinaldo noong 23 Marso 1901 sa Palanan, hindi naman namatay ang pagtangi ng mga Pilipino sa Pambansang Watawat.  May nagpatuloy sa digmaan; ang iba nama’y idinaan sa pagtatanghal ng zarzuela ang pagkondena sa mga Amerikano.  Sinikil ng Pamahalaang Amerikano ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbawal sa paggamit ng Pambansang Watawat noong 1907.  Inilaban ito ng mga makabayang Pilipino sa lehislatura.  Hanggang sa noong 1919, napagwagian ng mga Pilipino na muling maitaas ang Pambansang Watawat sa sariling lupain.

       Paano naman ang mga kabataan at kawal Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig?  Silang nanindigan na kaya rin nilang ipagtanggol ang bansa laban sa mga Hapon, gamit ang Pambansang Watawat bilang kanilang inspirasyon?  Napagwagian nila ang digmaan.  Kalaunan, nakita na ng Estados Unidos na dapat nang ibigay ang kasarinlan sa mga Pilipino.  At noong 4 Hulyo 1946, naganap ang pinakadakilang araw ng ating pagkabansa – tuluyan nang naiwagayway sa Luneta ang Pambansang Watawat ng mag-isa, buong laya.

     Sa madaling sabi, ang Pambansang Watawat ay simbolo ng buhay ng mga Pilipinong noo’y naglingkod sa ilalim nito, tangan ang diwa’t damdaming isulong ang kalayaan at panindigan ang pagsasarili.

      Ang ating Pambansang Watawat ay kasa-kasama ng sangka-Pilipinuhan, simula pa noong tayo’y nag-asam na lumaya sa mga Espanyol, nakidigma sa mga Amerikano at nakibaka sa paniniil ng mga Hapon.  Ang watawat na ito ay alaala ng ating pag-asa, pagkakaisa at paninidigan na maging malaya at nagsasarili bilang isang lahi.  Mananatili itong nakawagayway bilang tanda na tayo’y isang malayang bansa.  Ang simbolong magpapaalala sa bawat salinlahi na sa ilalim nito, nagpamalas ng kagitingan ang mga dakila nating mga ninuno; silang hindi nangiming kumilos para sa kalayaan at walang kaabug-abog na inihandog ang buhay maisulong lamang ang ipinaglalabang kalayaan.  Alang-alang sa kanilang alaala, ang paggalang sa Pambansang Watawat ay paggalang sa mga ninuno nating ito.

    Manatili nawa sa ating mga Pilipino ang damdaming naramdaman ng ating mga ninuno sa tuwing masisilayan nilang nakawagayway ang Pambansang Watawat.