Saksi ang makasaysayang lungsod ng Cavite o Cavite Puerto sa pambihirang kasaysayan. Dito dumadaong dati ang tanyag na mga barkong Galyon na nagpasimula ng pandaigdigang kalakalan sa mundo. Dahil lantad sa impluwensiya ng iba’t ibang kultura, maraming pangkat etniko ang dito’y namuhay, bukod pa sa mga banyagang dito sumalta. Ang pagkakaiba-ibang ito ang nagbunsod sa Cavite upang maging tagpuan ng iba’t ibang kultura. Dito rin pumasok ang progresibong diwa ng kalayaan, at patunay na rito ang makasaysayang Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Ang naturang pag-aalsa ang itinuturing na hudyat ng pagsilang ng diwang makabansa sa Pilipinas. Sapagkat kung hindi nangyari ang pag-aalsang iyon dito sa Cavite, baka nag-iba ang takbo ng kapalaran natin bilang mga Pilipino.
Hindi pa natapos ang pagiging pusod ng Lungsod ng Cavite ng bansang Pilipino. Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino nang 1896, muling nasaksihan ng Lungsod ng Cavite ang malagim na pagkitil sa pinaghinalaang mga sangkot sa Rebolusyon. Kinilala ang mga dakilang Pilipinong ito bilang ang labintatlong martir ng Cavite.
At kung may natatangi mang dakilang papel ang Lungsod ng Cavite sa kasaysayan, ito ay ang pagiging kabesera ng Pilipinas. Nang muling papag-alabin ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang Himagsikan, dito sa Lungsod ng Cavite siya pinalad na dumaong mula sa Hong Kong. Dito rin unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas, na siya ring dinala sa Kawit, Cavite upang gamitin sa Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo 1898.
Dahil protektado siya ng mga Amerikano rito, minarapat ni Aguinaldo na dito itayo ang Gobierno Dictatorial na kaagad namang pinalitan ng Gobierno Revolucionario noong ika-23 ng Hunyo 1898. Dito sa Lungsod ng Cavite binuo ni Aguinaldo ang instruktura at burukrasya ng Pilipinas. Nilisan man ni Aguinaldo ang Lungsod ng Cavite noong ika-15 ng Hulyo 1898, hindi maikakaila na dito, inihanda ng Pilipinas ang kaniyang sarili tungo sa isang demokratikong republika na may konstitusyon, ang kauna-unahan sa buong Asya, bagay na itutuloy ni Aguinalo sa Malolos, Bulacan.
Tila nakatadhanang mangyari ang lahat ng ito dito sa dakilang Lungsod ng Cavite. At nakakatuwa na sa pagtuntong ninyo sa bahay pamahalaan ng Lungsod ng Cavite, inyong mababasa ang mga sumusunod na makabagbag-damdaming pag-aalay ng Lungsod na ito:
At hayaang sa lahat ay mahayag:
Na sa munting nayon na ito,
Isinilang, nagkaisip at namulat;
Ang mga dakila niyang anak,
Na di nagpagapi sa mga mapaniil;
Bagkus ay nanindigan at lumaban
Upang ang minimithing kalayaan
Ay lubusang makamtan…
Para sa Inang Bayan
Bilang pagdakila sa kasaysayan ng Lungsod ng Cavite, minarapat ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na ipagkaloob ang panandang pangkasaysayang ito. Nang sa gayo’y hindi makalimot ang mga Pilipino na sa Lungsod na ito, nagkaugat ang malayang Pilipino at namunga ng mga dakilang tagumpay sa ilalim ng liwanag, kalayaan, at katarungan.
Maraming salamat po.
Carminda R. Arevalo
Nanunuparang Patnugot Tagapagpaganap