Bagaman tapos na ang paggunita natin sa Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo 2023, nararapat lamang bigyang pagkilala ang sagradong bayan ng Kawit, Cavite sa pamamagitan ng isang natatanging pananandang pangkasaysayan na tinaguriang “Landas ng Pagkabansa.” Layon ng proyektong ito ang tuntunin ang landas na tinahanak ng bansang Pilipino mula nang iproklama ang kalayaan dito sa Kawit hanggang sa huling araw ng Unang Republika ng Pilipinas sa Palanan, Isabela noong ika-23 ng Marso 1901. Ito ang batayan ng paggunita natin ng 125th Anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023-2026. Mahaba ang paggunita sapagkat minarapat ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na saklawin maging ang mga makasaysayang pangyayari mula nang ipahayag ang kalayaan hanggang sa isilang ang Unang Republika ng Pilipinas. Patunay ito na hindi natapos sa pagwagayway ng watawat ng Pilipinas dito sa Kawit ang pagsasakripisyo ng ating mga bayani. Sinikap nilang maging presentable sa harap ng mundo, batid ang mga dapat taglayin ng isang modernong bansa na may paggalang sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, kalayaan, kasarinlan, at pakikitungo sa ibang nagsasariling mga bansa sa mundo. Ito ang mga bagay na dapat nating matamo sa tuwing babalikan natin ang simula ng pagiging bansa natin.
Ang panandang pangkasaysayang ito rito sa Kawit ang kauna-unahan sa serye ng pasisinayaang mga panandang tinatawag na “Landas ng Pagkabansa” hanggang 2026. Ang inyong nakikitang panandang pangkasaysayan ay kakaiba dahil sa isang pedestal na may mga elemento ng pambansang watawat. Tanda ito ng pagsikat ng ating maningning na sagisag sa panahong ating ginigunita.
Hindi biro ang maging bansa sa panahong ang baba ng tingin ng malalayang bansa noon sa mga kolonya na nais pumantay sa kanilang mga kolonisador. Sa Asya, Pilipinas ang unang nagpamalas ng ganitong kaisipan at pagkilos, na ginugulan ng dugo, pawis, pangarap, at kabataan ng ating mga bayani. At sa huli, tayong mga nabubuhay ngayon ang nakikinabang sa pagpapagal na kanilang iniambag, maisilang lamang ang demokratiko at republikanong bansang Pilipino.
Inaasahan na magiging exciting ang pagtunton sa dinanas at pag-aalay ng mga nagtatag sa tahanan nating Pilipinas. Ang mga panandang pangkasaysayang ito ay paalaala na may dapat tayong lingunin habang tayo ay sabik na marating ang kinabukasan.
Carminda R. Arevalo
Nanunuparang Patnugot Tagapagpaganap