Pagkaraan ng Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo 2023, ang paglipat ng kabesera ng Pilipinas mula Lungsod ng Cavite patungong Bacoor, Cavite naman ang sumunod na katangi-tanging petsa sa proyekto ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o NHCP na 125th Anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023-2026 na kilala rin sa tawag na PH125. Tampok dito ang pagmamarka sa tinatawag naming “Landas ng Pagkabansa.” Layon nito na markahan ang landas na tinahak ng Pilipinas sa pagiging bansa mula sa pagproklama sa kalayaan hanggang sa huling araw ng Unang Republika ng Pilipinas sa Palanan, Isabela noong ika-23 ng Marso 1901. Pagbibigay diin din ito sa katuturan na hindi natapos sa Kawit ang pagbubuo ng bansa. Matapos ang proklamasyon ng kalayaan, sunod na inilatag ang burukrasya ng pamahalaang Pilipino, pagsasaayos sa mga probinsya at bayan na napalaya mula sa mga Espanyol, pagpapatatag sa Hukbong Pilipino, at pagsilang ng Republikang Pilipino na kauna-unahan sa buong Asya. Di pa tuluyang tapos ang pakikibaka natin sa Espanya ay hinarap naman ng Republika ng Pilipinas ang Estados Unidos.

Dito sa Bacoor itinuloy ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang pag-iral ng pamahalaang Pilipino na itinatag sa Lungsod ng Cavite noong ika-23 ng Hunyo 1898. Sa kabutihang loob ng pamilya Cuenca, nagkaroon ng tahanan ang pamahalaang Pilipino simula nang lumipat si Aguinaldo rito noong ika-15 ng Hulyo 1898. Kung bakit nandito sa Bacoor ang kabesera ng Pilipinas ay dahil na rin sa pinaplano pa ni Aguinaldo ang pagkubkob sa Maynila mula sa mga Espanyol. Mainam din ang Bacoor na pansamantalang tahanan ng pamahalaang Pilipino sapagkat protektado ito ng hukbong Amerikano na nakapuwesto lamang sa Look ng Maynila at Lungsod ng Cavite.

Dito sa Bacoor unti-unting binuo ni Aguinlado ang pamahalaang Pilipino batay na rin sa itinadhana ng kaniyang kautusang nagtatag sa Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas noong ika-23 ng Hzunyo 1898. Dito nagtalaga si Aguinaldo ng kaniyang mga opisyal na nagpatakbo sa mga ahensya ng pamahalaan. Mula rito sa Bacoor, nakarating sa mga probinsya at mga opisyal ng pamahalaan sa labas ng bansa ang mga kautusan ni Aguinaldo. At kung may isang pangyayari mang magtatanghal sa Bacoor bilang kabesera ng Pilipinas, ito ay ang pagtipon dito ni Aguinaldo sa mga presidente municipal o alkalde ng mga bayan sa Pilipinas na malaya at organisado na sa ilalim ng watawat ng Pilipinas upang kilalanin ang kalayaan ng bansa. Nangyari ito noong ika-1 ng Agosto 1898. Alinsunod din ito sa plano ni Mabini na pagtibayin ng mga halal na opisyal ng taumbayan ang paglaya ng Pilipinas.

Sa kasamaang palad, noong ika-13 ng Agosto 1898, sumuko ang mga Espanyol sa Maynila, hindi sa mga Pilipino kundi sa mga Amerikano. Ang araw na ito ay ang opisyal na pagsakop ng mga Amerikano sa Maynila. Huwad ang pakikipagkaibigan ng mga Amerikano kay Aguinaldo. At dahil kayang pulbusin ng mga bomba ng mga barkong Amerikano ang Bacoor, minarapat ni Aguinaldo na lisanin ang Bacoor para sa Malolos, Bulacan. Ang mga aspekto ng pamahalaang Pilipino na hindi natapos dito sa Bacoor tulad ng Unang Kongreso ng Pilipinas ay itinuloy na lamang sa Bulacan.

Sa pamamagitan ng proyektong “Landas ng Pagkabansa,” maipapakilala natin sa publiko ang pagpapakasakit ng mga nagtatag sa ating bansa.

Dr. Emmanuel Franco Calairo
Tagapangulo