Lingid sa kaalaman ng nakararami, bago sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896, dito sa Pasig unang pinag-usapan ng Katipunan ang planong ilunsad na ang paghihimagsik. Tinawag itong Asamblea Magna sa kasaysayang lokal ng Pasig. At hindi na lamang ito kasaysayan ng Pasig, sapagkat sa pamamagitan ng panandang pangkasaysayang ating hinawi, lalo pang nabigyang diin ang pagiging pambansa ng nasabing pangyayari rito sa Pasig.

Ang ibig sabihin ng Asambela Magna ay “Dakilang Pulong” o “Malaking Pagpupulong.” Dakila o malaki ito sapagkat ipinatawag ni Andres Bonifacio ang iba’t ibang pinuno ng Katipunan sa loob at labas ng Maynila upang isangguni ang isang malaking proyekto ng kanilang henerasyon: ang paglaya ng Pilipinas sa pamamagitan ng Rebolusyon. Kabilang sa mga dumalo rito ay sina Emilio Aguinaldo at Pio Valenzuela, dalawa sa kilalang pinuno ng Katipunan. Nag-aalab man ang kanaisang simulan na ang pagpapabagsak sa Espanya, minarapat ng mga pinunong ito na planuhin nang maayos ang balak sapagkat di biro ang kalaban at kinakailangan pa ng sapat na armas at kasanayan sa paghawak ng sandata at pakikipaglaban ng mga kasapi ng Katipunan. Lumitaw din sa mga napag-usapan ang sumangguni kay Jose Rizal, na noo’y nasa pagkakapatapon sa Dapitan. Si Valenzuela ang inatasang tumungo ng Dapitan upang alamin ang saloobin ni Rizal hinggil sa napipintong paglulunsad ng isang Himagsikan.

Ang nakakatuwa sa nasabing pulong, nangyari ito habang nasa mga kanikaniyang mga bangka at balsa ang mga pinuno. Nagpanggap silang mga namamanata sa pista ng Antipolo. Ito’y upang di paghinalaan ang kanilang ginagawa. Pagkatapos nito’y itinuloy ang pulong sa isang tahanan sa Pasig.

Samakatuwid, hindi lamang sugod nang sugod ang Katipunan. May pagpaplano rin silang ginawa. Iyon nga lamang, hindi na rin napigilan ang paglulunsad ng Himagsikan dahil natuklasan na ng mga Espanyol ang Katipunan noong ika-19 ng Agosto 1896. Nagbunsod ito sa tuluyang pakikibaka ng ating mga tagapagtatag ng bansa sa Balintawak hanggang sa iproklama na ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit noong 1898.

Hindi na napigilan ang nakatadhanang mangyari: ang paglaya ng Pilipinas. Ngunit mahalaga na laging idugtong ang kasaysayan ng paglaya sa Pilipinas dito sa Asambela Magna.