Gina C. Batuhan
Hepe, Historic Sites and Education Division
National Historical Commission of the Philippines
11 Hunyo 2023, NHCP Presidential Car Museum, Quezon Memorial Circle, Lungsod Quezon

Sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario, Igg. na Christopher “Toff” de Venecia, Alkalde ng Lungsod Quezon Igg. Joy Belmonte, dating DepEd Secretary Leonor Briones, Project Saysay Executive Director Michael Anjielo Tabuyan, mga inapo ng mga dakilang Pilipino na pararangalan ngayong hapon, mga panauhin, mga kababayan, isang mapagpalayang hapon po sa ating lahat. Tuloy po kayo sa Presidential Car Museum, isa sa mga museo sa ilalim ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o NHCP.

Sa kabila ng kaabalahan ng NHCP para sa Ika-125 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, sinikap naming ihanda ang programang ito kasama ang Project Saysay. Lahat naman po tayo rito ay produkto ng edukasyon sa Pilipinas. Nakagisnan na nating dinedekorasyunan ng mga guro ang kanikanilang silid-aralan ng mga materyales na mag-i-inspire sa bata na maging madasalin, may paggalang sa watawat, paano kumilos ng pino at magalang, at higit sa lahat maging mabuting tao. Mahabang oras din ang ginugugol ng estudyante sa loob ng silid-aralan araw-araw. kaya’t para sa amin sa NHCP, ang silid-aralan ay laboratoryo ng pagiging mabuting Pilipino higit sa pagiging edukado lamang.

Saksi ang NHCP sa paglago ng Project Saysay sa loob ng sampung taon. Kung tutuusin napakasimple lang ng konsepto ng Project Saysay. At iyon ay ang dalhin sa bawat silid-aralan ang aral ng mga dakilang Pilipino. Napakaganda ng katwiran ng tagapagtatag nitong si G. Ian Alfonso bakit sa dinami ng maaaring gawing proyekto ay itong pamamahagi ng libreng poster sa mga paaralan ang kaniyang naisip. May kapangyarihan ang mga salita. Ani pa niya, napupuno ng mga quotable quotes ang mga silid-aralan. ngunit bakit kakaunti o halos walang Pilipino sa mga quotes. Palibhasa’y isang historyador na nagtapos ng kurso sa pagtuturo, lantad sa tulad ni G. Alfonso ang mga personal na sinulat ng mga dakilang Pilipino. At upang maging pamilyar ang mga bata sa ating mga dakilang tao, hinayaan ng NHCP na halungkatin ng Project Saysay ang mga larawan ng mga ito sa aming aklatan at koleksyon. Mula sa sweldo ni G. Alfonso naprodyus ang unang mga poster noong 2013. At dahil nga sa kasimplehan ng idea, maraming tao at institusyon ang nag-isponsor ng mga paaralan. Kung minsan, kami sa NHCP ay nagiging volunteer na magdala ng mga poster sa mga probinsya. Ang yumao naming Executive Director Ludovico Badoy ay malimit mag-follow up kay G. Alfonso kung saan ang susunod na probinsya na magiging kargador di umano siya ng mga poster.

May pagkakataong ang mga empleyado ng NHCP ay nagprodyus ng mga t-shirt pambenta, maidagdag lang sa pondo ng Project Saysay. Gaya nang nabanggit ko, nagsimula ang proyekyo na ito gamit lamang ang sweldo ni G. Alfonso sa NHCP. Dahil walang permanenteng opisina, ang central office at mga museo ng NHCP ang pinagdadausan ng mga pagpupulong at gawain ng Project Saysay, tulad po ngayon. Nang pangunahan ng Project Saysay ang 1st National Youth Forum on Heritage noong 2015, halos bitbitin na nila ang lahat ng gamit ng NHCP tulad ng mga Iwata Cooler, trak, mga bandera, at kung ano-ano pa paakyat ng Philippine High School for the Arts sa Bundok Makiling.

Ganito namin kamahal ang Project Saysay sa NHCP. Hindi man namin mapondohan, masasabi kong busog na busog sa aruga at pagkalinga ng bawat.empleyado ang Project Saysay. Marami pang magagandang alaala ang NHCP kasama ang Project Saysay. Naniniwala ang NHCP sa mga naging motto ng Project Saysay sa loob ng sampung taon. Nariyan ang “Dalhin sa bawat silid-aralan ang aral ng mga dakilang Pilipino. Sunod ay ang “Palaganapin ang diwa’t aral ng mga dakilang Pilipino.” At sa kasalukuyan, “May saysay ang kasaysayan.” Ang pagbabago ng motto ng Project Saysay ay tanda ng pag-diversify ng mga programa nito. Bukod sa silid-aralan, nakarating na sa halos lahat ng embahada at konsulando ng Pilipinas ang mga materyal ng Project Saysay bilang dekorasyon sa mga Sentro Rizal. Malaking hakbang ito upang mailapit sa mga Pilipino saan man sa mundo ang ating mga dakilang Pilipino. Matindi rin ang presenya ng Project Saysay online. Mainam na naglalabas na rin sila araw araw ng Today in Philippine History. At dahil sa metikuloso nilang mga disenyo, Project Saysay ang kinuha ng National Quincentennial Committee upang makatulong ng NHCP sa social media assets ng 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines. Ito ang dahilan kung bakit di nagkakalayo ang disenyo ng Project Saysay at ng National Quincentennial Committee.

Nawa’y suportahan pa natin ang dakilang hangarin ng Project Saysay, tulad ng pag-invest ng Project Saysay sa mga bata. Nais ko ring personal na ipanawagan sa DepEd na mapabilis nawa ang pag apruba sa memorandum of agreement ng Project Saysay upang mas lalo pang mapalawak ang pamamahagi ng mga materyales sa mga paaralan sa bansa. Makakaasa ang DepEd na tinitiyak ng NHCP na maayos ang mga nakalimbag na impormasyon sa mga materyales sapagkat bahagi ng ambag ng NHCP sa Project Saysay ang vetting.

Sampu ng NHCP, na ngayo’y abala sa pagdiriwang ng Ika-125 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, ako po ay taos-pusong bumabati sa Project Saysay sa ikasampung anibersaryo nito. Kung nasaan ang Pilipino nandoon ang Project Saysay.