Magandang araw po sa inyong lahat. Kami po sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ay nagpapasalamat sa inyong paanyayang kami ay maging bahagi ng espesyal na okasyong ito ng pagpapasinaya ng monumento ng Unang Sigaw ng Ecija. Batid natin na ang labanang naganap sa kalapit na bayan ng San Isidro noong ika-2 ng Setyembre 1896 ay isa sa pinakamalaking tagumpay ng mga rebolusyonaryo ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Mariano Llanera noong simula ng Himagsikan laban sa Espanya. Patunay lamang ito na ang Himagsikang pinamunuan ni Andres Bonifacio at ng iba pang lider ng Katipunan ay suportado maging ng mga Pilipinong nasa labas ng Kamaynilaan.
Bukod sa paggunita ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, nais din naming kunin ang pagkakataong ito upang ibahagi ang karagdagang pag-aaral na isinagawa ng NHCP patungkol sa Unang Sigaw ng Nueva Ecija. Noong 2005, ang NHCP ay naglagay ng panandang pangkasaysayan para sa Labanan sa San Isidro kung saan nakasaad na 3,000 rebolusyonaryo mula Cabiao at Gapan na pinamunuan nina Mariano Llanera at Pantaleon Valmonte ang lumusob sa San Isidro at matagumpay nilang na nabawi ang mahahalagang gusali sa bayan noong ika-2 ng Setyembre 1896. Ika-2 ng Setyembre 2014, inilathala ng pahayagang Manila Bulletin ang artikulong may pamagat na NHCP Urged to Rectify Historical Accounts of Nueva Ecija’s Revolt na isinulat ng isang lokal na historyador ng Nueva Ecija. Ayon po sa artikulo, hindi 3,000 kundi 753 rebolusyonaryo lamang na pinangunahan nina Mariano Llanera at Pantaleon Valmonte ang lumusob sa Factoria (ngayo’y San Isidro) upang labanan ang hukbong Espanyol.
Ang artikulong ito ay nagbunsod upang muling siyasatin ng NHCP ang mga dokumentong kaugnay ng nasabing labanan. Sa aming pananaliksik sa Pambansang Sinupan ng Pilipinas, natagpuan namin ang ulat ni Koronel Ricardo Perez ng hukbong Espanyol na may petsang ika-12 ng Setyembre 1896. Ayon sa kaniyang salaysay, alas-3 ng hapon noong ika-2 ng Setyembre 1896, tinatayang nasa 400-500 rebolusyonaryo ang nagmartsa patungong San Isidro. Sila ay hinarap ni Joaquin Machorro, kapitan ng hukbong Espanyol, at inutusang tumigil sa pagsulong. Sa halip na sumunod, pinaputukan ng mga rebolusyonaryo ang mga Espanyol at tumagal ang labanan hanggang ika-1 ng hapon nang sumunod na araw. Kinubkob at inokupa rin ng mga rebolusyonaryo ang mahahalagang gusali sa kabayanan. Napilitan lamang umatras ang mga ito nang magpadala ng karagdagang puwersa ang mga Espanyol na pinamunuan ni Francisco Arteaga.
Ibinahagi ko po ito sa inyo hindi lamang upang itama ang datos ng bilang ng mga rebolusyonaryong nakipaglaban sa Unang Sigaw ng Ecija noong 1896. Ibinahagi ko ito upang himukin kayo na maging mapanuri sa mga nakasulat sa ating kasaysayan. Ang nakasulat na kasaysayan po ay hindi permanente sapagkat maaring mabago o maitama ang mga ito sa paglitaw ng mga bagong dokumentong nagsisilbing ebidensiya ng katotohanan. Makikita rin natin na ang salaysay ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija ay hindi produkto ng imahinasyon lamang sapagkat ang kopya ng orihinal ng ulat nito ay matatagpuan sa Pambansang Sinupang Pangkasaysayan. Samakatuwid ay totoo na ang Lalawigan ng Nueva Ecija at si Hen. Mariano Llanera ay kabilang sa mga unang tumugon sa tawag ng Inang Bayan sa panahon na ang Pilipinas ay nangangailangan ng mga bayaning masasandigan.
Muli po, maraming salamat sa inyong paanyaya at hangad namin na ang monumento ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija dito sa bayan ng Mariano Llanera ay magsilbing alaala ng kabayanihan at sakripisyo ng mga taga-Nueva Ecija para sa ating iniingatang kalayaan.
EMMANUEL FRANCO CALAIRO
Tagapangulo