Ngayong taon, ating ginugunita ang ika-125 anibersaryo ng paglahok ng Pampanga sa Rebolusyong Pilipino. Nagsimula ito sa bayan ng Apalit, Pampanga noong ika-19 ng Pebrero 1898. Batay ito sa pagsalakay ng mga maralita, magsasaka, at sundalong Kapampangan sa kwartel ng mga Espanyol sa kabayanan ng Apalit. Ito ang kauna-unahang lokal na pagkilos ng mga taga-Pampanga laban sa Espanya noong Rebolusyon. Tatlong araw ang nakalipas, sunod namang nag-alsa ang mga taga-Macabebe sa pamamagitan ng pagsalakay sa kabayanan nito. Ang mga pangyayaring ito sa Apalit at Macabebe ay kapwa inorganisa ng isang pangkat. Hindi ito grupo ng Katipunan o mga Rebolusyonaryo sa ilalim ni pangulong Emilio Aguinaldo. Ito’y isang samahang panrelihiyon na ang pangala’y Santa Iglesia.
Ang Santa Iglesia ay itinatag sa nayon ng Tabuyoc, Apalit, Pampanga noong 1887. Nakilala ito sa tawag na Gabinista, sunod sa pangalan ni Don Gavino Cortes, dating cabeza de barangay ng Tabuyoc at isa sa principalia o elite ng Apalit. Gayong nakakaangat sa buhay, pinili ni Don Gavino na bumuo ng isang samahang panrelihiyon na ang isinusulong ay pakikipagkapwa at damayan sa oras ng pangagailangan. Naging boses siya ng mga magsasaka at maralita di lamang ng Pampanga kundi maging ng Bulacan. Noong Enero 1888, kinailangang buwagin ng mga guardia civil ng Pampanga, Bulacan, at Nueva Ecija ang samahan. ito’y dahil ipinroklama si Don Gavino ng kaniyang mga tagasunod bilang hari ng Pampanga at diyos. Upang mapigilan ang paglaganap ng samahang panrelihiyong ito, ipinatapon si Don Gavino sa Jolo.
Samantala, noong 1894, isang Bulakenyo mula sa Baliwag, Bulacan ang muling tumipon sa mga tagasunod ni Don Gavino. Siya ay si Felipe Salvador. Miyembro rin siya ng Gabinista at mula sa maykayang pamilya ng Baliwag at San Rafael, Bulacan. Gayong isang Tagalog, pinagkatiwalaan siya ng mga Kapampangang miyembro ni Don Gavino. Naging laganap din ang samahan sa Gitnang Luzon. Tinawag nila ang kanilang samahan bilang Santa Iglesia. Mula sa Apalit, inilipat ni Salvador ang sentro ng sekta sa San Roque, San Luis, Pampanga.
Tulad ng mga santo sa Bulacan at Pampanga, itinuring si Salvador na banal na tao. Tinawag siyang Apo Ipe ng mga Bulakenyo at Apung Ipi naman ng mga Kapampangan. Gayong isang mapayapang samahang panrelihiyon, muli silang nakatikim ng kalupitan nang paulanan sila ng bala ng mga Espanyol habang nagtitipon sa San Luis, Pampanga noong bisperas ng Pasko ng 1896. Walang kamalay-malay ang sektang ito na nasa ilalim ng batas militar ang Pampanga at pinaghinalaan silang mga kasapi ng Katipunan.
Daan-daang miyembro ng Santa Iglesia ang namatay. Nakatakas naman ang iba, kabilang na si Apung Ipi patungong Bulacan kung saan nakilala nila ang mga rebolusyonaryo. Samantala, noong Pebrero 1898, nabalitaan ng mga miyembro ng Santa Iglesia na ibinalik ng pamahalaang Espanyol dito sa San Fernando, Pampanga si Don Gavino. Nagdiwang ang mga tagasunod ni Don Gavino hanggang sa bigla na lamang itong binitay sa San Fernando. Ayon sa ulat, binitay si Don Gavino dahil balak di-umano niyang ipapatay ang gobernador ng pampanga na si Jose Canovas. Napatunayan kalaunan na haka-haka lamang ito. Ang di alam ng mga Espanyol, nagdulot ito ng matinding galit sa Pampanga sapagkat itinuturing na isang banal ang kanilang pinaslang. Idagdag pa rito ang pananambang kay Apung Ipi ng mga Espanyol. Sa halip na mamayani ang kapayapaan sa Pampanga habang nasa pagkakapatapon ang mga pinuno ng Himagsikan sa Hong Kong, biglang sumiklab ang paglaban ng mga taga-Pampanga sa Espanya.
Noong 19 Pebrero 1898, dito sa Apalit, bumaliktad ang dating matatapat na sundalong Kapampangan sa Espanya na tinawag na Voluntarios de Apalit. Nilabanan nila ang mga Espanyol. kasama nila sa pagsalakay sa kwartel ng mga Espanyol ang mga miyembro ng Santa Iglesia. Dahil kakarampot ang mga armas, agad na napigil ng mga Espanyol ang pag-aalsa sa Apalit, na kumalat pa hanggang Macabebe. Pansamantalang nanatili ang katiwasayan sa Pampanga ng apat na buwan. Sapagkat sa pagbabalik ni Aguinaldo mula Hong Kong noong 1898, pormal nang sumama ang Pampanga sa paghihimagsik sa ilalim ng bagong pinuno: si Maximino Hizon ng Mexico,Ppampanga noong 1 Hunyo 1898. Sumuporta ang Santa Iglesia kay Hizon sa pagpapaalis sa mga Espanyol sa Pampanga noong 28 Hunyo 1898.
Nabigyan ng lakas nang loob ang dati’y walang boses na mga magsasaka at maralita ng Pampanga dahil sa Santa Iglesia. Lumaban sila hanggang sa madakip ng mga Amerikano si Apung Ipi noong 1910. Kung ano man ang mapupulot nating aral sa kasaysayang ito, iyon ay ang akayin natin ang mga walang-wala, naghihikahos, at naghihirap sa ating lipunan. Ang mga tulad ni Don Gavino at Apung Ipi ay bumaba sa lebel ng mga maralita tangan ang pag-asang bukas magiging mabuti rin ang kanilang kapalaran sa ilalim ng malayang Pilipinas. Sa alaala ng ating mga bayani, maging mabuti nawa tayo sa ating kapwa.
Nagpapasalamat kami sa Pamahalaang Lungsod ng San Fernando sa pagkupkop sa panandang pangkasaysayan na ito. Maganda ang layunin ng San Fernando sa pagtangkilik sa pananda: at ito ay upang ibangon ang dangal ng mga unang bayani at martir ng Rebolusyon dito sa puso ng Pampanga, ang San Fernando.
Dr. Emmanuel Franco Calairo
Tagapangulo