Magandang araw sa inyong lahat. Kami po sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ay nagpapasalamat sa inyong pagdalo sa okasyong ito kung saan ating pinasinayaan ang panandang pangkasaysayan bilang pagkilala sa kabayanihan at kontribusyon ni Padre Mariano Sevilla sa kasaysayan ng ating pagkabansa.
Ang pamamayani ng mga Pilipino sa Simbahang Katoliko sa bansa ay kadalasang iniuugnay kina Padre Jose Burgos, Mariano Gomes, Jacinto Zamora, Pedro Pelaez, at Gregorio Aglipay. Subalit maliban sa kanila, si Padre Mariano Sevilla ay maituturing ding isa sa mga dakilang pari na walang takot na ipinaglaban ang karapatan ng mga Pilipino noong tayo’y nasa ilalim pa ng Espanya.
Bagaman ang mga magulang ni Padre Sevilla ay taal na taga-Bulakan, Bulacan, siya ay nagkataong ipinanganak sa Tondo, Maynila habang ang kanyang ina ay patungo sa Cavite upang tupdin ang panata nito sa Poong Nuestra Señora de la Soledad.
Maaring nagsimulang umusbong ang interes ni Padre Sevilla na isulong ang karapatan ng mga Pilipino nang umiral ang konstitusyong liberal ng Espanya noong 1869. Dahil hindi tinamasa sa Pilipinas ang mga repormang panlipunang naganap sa Espanya, si Padre Sevilla ay sumapi sa Comite de Reformadores na aktibong ikinampanya na magkaroon ng pantay na karapatang sibil at pulitikal ang mga Pilipino at Espanyol na nasa Pilipinas; gayundin ang pagsulong na maging ganap na probinsya ng Espanya ang noo’y kolonyang Pilipinas.
Bukod sa pagiging miyembro ng Comite de Reformadores, si Padre Sevilla ay naging katuwang ng GOMBURZA sa pagkilos para sa sekularisasyon ng mga parokya sa Pilipinas. Natuklasan din ng mga awtoridad ang kaugnayan niya kay Marcelo H. del Pilar na minsang nanuluyan sa kanyang tahanan. Ang mga ito’y nagbunsod upang si Padre Sevilla ay ipatapon ng mga Espanyol sa Isla ng Marianas kasama ang iba pang makabayang Pilipino. Nang pinahintulutang makabalik sa Pilipinas, ibinuhos ni Padre Sevilla ang kanyang lakas at oras sa pagtuturo sa akademya.
Noong sumiklab ang Himagskan ng 1896, kabilang si Padre Sevilla sa mga minanmanan ng mga Espanyol dahil sa kanyang liberal na pananaw. Ito ay humantong sa kanyang muling pagkapiit. Noong 1898, isa si Padre Sevilla sa naging masugid na tagapagsulong ng pag-iisa ng kapangyarihan ng Estado at Simbahan nang ito’y pag-debatehan sa Kongreso ng Malolos.
Sa pagputok ng Digmaang Pilipino-Amerikano, kabilang si Padre Sevilla sa mga inirekomendang ipatapon sa Guam dahil sa pagsuporta nito sa Unang Republika ng Pilipinas. Hindi nga lamang itinuloy ng mga Amerikano ang nasabing kaparusahan matapos siyang makapaglagak ng kaukulang piyansa. Nagbalik si Padre Sevilla sa pagtuturo at ginugol ang mga nalalabing taon ng kanyang buhay bilang pari hanggang sa siya’y pumanaw noong 1923.
Sa dami ng kaniyang sakripisyo para sa bayan, nakatutuwang isipin na isa rin siyang mahusay na manunulat sa wikang Tagalog. Pinaunlad niya ang panitikan at ang pinakamalaking papel niya rito ay ang isang sulating pag-aalay kay Maria. Ito ngayon ang batayan ng tinatawg nating Flores de Mayo.
Ang lahat po ng aking ibinahagi ay naging batayan ng Lupon ng Komisyoner ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas upang aprubahan nang walang pag-aalinlangan ang paglalagay ng panandang pangkasaysayan para kay Padre Mariano Sevilla. Isang karangalan po para sa Bayan ng Bulakan, Bulacan ang sibulan ng isang kagaya niyang lumaban para sa kapakanan ng kapwa Pilipino sa kabila ng panganib na maaring idulot ng kaniyang paninindigan.
EMMANUEL FRANCO CALAIRO
Tagapangulo