NGAYONG IKA-DALAWAMPU’T WALO NG MAYO AY ATING SINISIMULANG GUNITAIN ANG MGA ARAW NG PAMBANSANG WATAWAT. MAIUUGAT ANG PAG-ALALANG ITO SA PROKLAMASYONG NILAGDAAN NG DATING PANGULONG DIOSDADO MACAPAGAL TAONG ISANG LIBO SIYAM NA RAAN AT ANIMNAPU’T LIMA NA NAGTATAKDA SA NATURANG PETSA BILANG PAMBANSANG ARAW NG WATAWAT.
PINALAWIG ITO MULA IKA-DALAWAMPU’T WALO NG MAYO HANGGANG SA ARAW NG KALAYAAN, IKALABINDALAWA NG HUNYO SA BISA NG KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BILANG ISANDAAN AT PITUMPU’T SIYAM NA NILAGDAAN NI DATING PANGULONG FIDEL RAMOS.
LAYON NG PAGGUNITANG ITO NA IKINTAL SA PUSO AT ISIPAN NG BAWAT PILIPINO ANG PAGBIBIGAY-GALANG AT KARANGALAN SA ATING WATAWAT NA UNANG IWINAGAYWAY NI EMILIO AGUINALDO SA TEATRO CAVITEÑO SA LUNGSOD NG CAVITE. ITO’Y MATAPOS ANG TAGUMPAY NG KANYANG HUKBO SA LABANAN SA ALAPAN NA NAGPATULOY SA KAMPANYA PARA MAKAMIT ANG KALAYAAN MULA SA MAHIGIT TATLONG DAANG TAON NA PANANAKOP NG MGA KASTILA.
ANG ATING WATAWAT NA ITINATANGHAL SA MGA GUSALI, PAARALAN AT IBA PANG ISTRUKTURA, PAMPRIBADO MAN O PAMPUBLIKO, AT SA MGA SASAKYANG PANGHIMPAPAWID AT PANDAGAT, AY SAGISAG NG ATING BANSA NA NAGPAPAALALA SA ATIN NG DUGO, PAWIS, AT LUHA NG ATING MGA BAYANI SA MASALIMUOT NILANG PAKIKIBAKA UPANG MAKAMTAN ANG KALAYAANG TINATAMASA NGAYON NG ATING HENERASYON. DAHIL DITO, ANG ATING WATAWAT AY ISANG MAKAPANGYARIHANG SAGISAG NA NAGPAPAKILALA SA ATIN SA BUONG MUNDO AT NAGBIBIGKIS SA ATIN BILANG MGA PILIPINO.
MAHALAGA ANG PAGBIBIGAY-GALANG AT PANUNUMPA NG KATAPATAN SA ATING BANDILA HINDI LAMANG SA ARAW NA ITO KUNG HINDI SA LAHAT NG
PAGKAKATAON. ITO AY SAPAGKAT TAYO AY MAY TUNGKULIN NA ISABUHAY ANG MGA PAGPAPAHALAGANG ITINAGUYOD NG ATING MGA BAYANI, AT IPAGPATULOY ANG KANILANG MARANGAL NA HANGARIN AT PANGARAP PARA SA ATING BANSA.
NAWA AY MAGSILBI NA SIMBOLO RIN ITO NG KATAPANGAN AT PAG-ASA NA MAPAGTATAGUMPAYAN ANG ANUMANG SULIRANING IHAHARAP SA ATIN UPANG MAITAGUYOD ANG KATOTOHANAN, AT MAGING HUWARAN NG MAKABAYANG PAGKILOS.
HARINAWA’Y ISABUHAY NG BAWAT ISA ANG DIWA NG KASAYSAYANG ATING MINANA, AT IPAGPATULOY ITO PARA SA SUSUNOD PA NA SALINLAHI. TANDAAN, ANG PANATA NG BAWAT PILIPINO AY DAPAT TAPAT SA WATAWAT! MABUHAY ANG MAKATARUNGANG KAPAYAPAAN!
REGALADO TROTA JOSE, JR.
Tagapangulo