SA NGALAN NG PAMBANSANG KOMISYONG PANGKASAYSAYAN NG PILIPINAS, ANG AKING PAGBATI NG ISANG MAKASAYSAYANG UMAGA SA LAHAT.

SINASAGISAG NG BAWAT HIBLA NG ATING WATAWAT ANG KAGITINGAN NG MGA BAYANING NAKIPAGLABAN MULA SA MAHIGIT NA TATLONG DAANG TAON NG PANANAKOP NG MGA KASTILA UPANG MAKAMTAN ANG KANILANG MINIMITHING KALAYAAN. BAWAT DISENYO AY MAY NAKAUKIT NA NARATIBO NG PAKIKIBAKA NA NARARAPAT LAMANG NA BIGYAN NG HALAGA NG PUBLIKO SA PAMAMAGITAN NG PAGTATANGHAL NG WATAWAT SA MGA POOK AT MGA PROGRAMANG PAMPAGKATUTO.

KABILANG SA KASAYSAYAN NG ATING PAMBANSANG WATAWAT AY NOONG PANAHON NA INIHANAY SA KANYA ANG MGA WATAWAT NG KATIPUNAN AT IBA PANG WATAWAT NG MGA ILANG BAYANI NOONG PANAHON NG HIMAGSIKAN, AT TINAWAG ANG MGA ITO BILANG “EBOLUSYON NG WATAWAT NG PILIPINAS.” LUMABAS ITO SA ISANG SELYO AT SINUNDAN NG MGA KARATULA AT ILANG MGA “DISPLAY.” SUBALIT SA PAGLIPAS NG PANAHON, NASILIP MULI AT TINAYA ANG KAWASTUHAN NG MGA IMPORMASYONG ITO. BUNGA NITO, HINDI NA HINIKAYAT NG PAMBANSANG KOMISYONG PANGKASAYSAYAN ANG PAGBANDERA SA MGA WATAWAT NG REBOLUSYON SA MGA MUSEO AT PAMPUBLIKO NITONG MGA PROGRAMA.

ANO NGA BA ANG KASAYSAYAN TUNGKOL SA MGA WATAWAT NA ITO? SA PAMAMAGITAN NG SAMPAKSAAN NA ITO NA TAMPOK SI G. IAN CHRISTOPHER ALFONSO, INAASAHAN NA MAGKAROON NG KALIWANAGAN ANG LAHAT HINGGIL SA PAPEL NA GINAMPANAN NI DOMINGO ABELLA, AT MGA HAKBANG NA ISINAGAWA NG

PAMBANSANG KOMISYONG PANGKASAYSAYAN UPANG ITAMA ANG NAKAGAWIANG “HISTORICAL FACT” NA ITO.

NAWA’Y MAGING MASIGLA AT MAKABULUHAN ANG LEKTURANG ITO PARA SA LAHAT. IPINAABOT NAMIN ANG AMING PASASALAMAT SA ATING PANAUHING TAGAPAGSALITA, AT SA MGA MANONOOD SA INYONG PRESENSYA. NAWA’Y MAGBUNGA ITO NG MAS MALALIM NA PAGMAMAHAL AT PAGPAPAHALAGA SA ATING SA ATING PANGUNAHING SAGISAG NG PAGKABANSA, HIGIT LALO SA ATING KASAYSAYAN. TANDAAN NA BILANG MGA PILIPINO, SA LAHAT NG PAGKAKATAON TAYO DAPAT AY LAGING TAPAT SA WATAWAT!

CARMINDA R. AREVALO
Patnugot Tagapagpaganap