Nanunuparang Patnugot Tagapagpaganap
Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas

Magdalena, Laguna, 18 Enero 2023

Noong 2017, pinasinayaan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang panandang pangkasaysayan para kay Emilio Jacinto na inilagay sa monumento nito dito sa bayan ng Magdalena. Nabanggit sa nasabing pananda ang pangunguna ni Jacinto sa Labanan sa Maimpis, na isang pangyayaring tampok sa bagong panandang pangkasaysayang ating inalisan ng tabing ngayon.

Bagaman tubong Tondo, Maynila, nagsimula ang kaugnayan ni Jacinto sa Laguna nang atasan siya ni Andres Bonifacio na magtayo rito ng himpilan ng Katipunan noong Abril 1897. Dahil sa mga kaganapan sa loob ng Pamahalaang Panghimagsikan at pagiging agresibo ng Hukbong Espanyol, naisakatuparan lamang ni Jacinto ang atas ni Bonifacio sa Laguna noong Pebrero 1898. Siyam na buwan nang patay noon si Bonifacio.

At noon ngang 27 Pebrero 1898, sa dakong ilog ng Maimpis, napasabak si Jacinto sa pakikipaglaban sa mga Espanyol. Siya at ang kaniyang mga kasama ay patungo noon ng Liliw, Laguna. Malubha siyang nasugatan sa sagupaan. Itinakbo naman siya ng kaniyang mga kasamahan sa Simbahan ng Magdalena upang magkubli sa mga kaaway. Di naglaon, inilipat siya sa Santa Cruz, Laguna kung saan siya’y nilapatan ng karampatang lunas.

Kabilang ang Labanan sa Maimpis sa mga patunay na hindi natapos sa Kasunduan sa Biak-na-Bato ang Himagsikang Pilipino. Sa yugtong ito, kahanay ng Labanan sa Maimpis ang iba pang paglaban sa iba’t ibang lalawigan: Ang pag-aalsa ng mga maralita at sundalong kasapi ng Santa Iglesia sa pangunguna ni Felipe Salvador noong Pebrero 19 at 22, 1898 sa Apalit at Macabebe, Pampanga; ang sigaw sa Candon, Ilocos Sur noong 25 Marso 1898 sa pangunguna ni Isabelo Abaya; at ang pagsama ng mga Cebuano sa paghihimagsik o mas kilala sa Tres de Abril noong Abril 3, 1898 sa Lungsod ng Cebu sa pangunguna ni Leon Kilat. Tandaang nasa pagkakapatapon noon ang karamihan sa mga pinuno ng Himagsikan, sa pangunguna ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Babalik lamang sila sa Pilipinas upang pasimulan ang malawakang paghihimagsik noong Mayo 1898. Lahat nang ito ay isinama ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa opisyal na kalendaryo ng Ika-125 Anibersaryo ng Kalayaan at Pagkabansang Pilipino na gugunitain mula 12 Hunyo 2023 hanggang 23 Marso 2026.

Mula noon, sa Laguna na pumirmi si Jacinto, malayo sa politika ng Himagsikan. Bagaman siya’y hinimok ng kaniyang kaibigan at noo’y tagapayo ni Aguinaldo na si Apolinario Mabini na ipagpatuloy ang pag-aabogasya sa Universidad Literaria de Filipinas na binuksan ng Pamahalaang Panghimagsikan sa Simbahan ng Barasoain noong Oktubre 1898. Salat na ang datos pangkasaysayan sa mga sumunod na pangyayari sa buhay ni Jacinto hanggang sa siya’y yumao dahil sa malaria noong 6 Abril 1899.

Nawa’y magsilbing pagunita ang panandang pangkasaysayang ito para sa Labanan sa Maimpis sa pagtataguyod ng ating mga bayani sa ating pagkabansa, lalo na ang mga tulad ni Jacinto na nagawang isantabi ang kabataan, iwan ang mga mahal sa buhay, at iangkas sa kanilang mga pangarap ang bayang tinatawag nating tahanan ngayon sa mundong ito: ang Pilipinas. Maraming salamat po.