Kakaiba ang kasaysayan at kultura ng Tarlac dahil tagpuan ito ng iba’t ibang kultura at pangkat kultural sa Luzon. Sa kabila nito, masasabi kong matatag ang identidad nito bilang lalawigan. Ito’y sapagkat yakap-yakap ng mga mamamayan nito ang pagkakakilanlang pinanday sa loob ng 150 taon. Marami tayong matututunan sa Tarlac sa aspekto ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaibaiba.

Lingid sa kaalaman ng marami, saksi ang Tarlac sa iba’t ibang makasaysayang pangyayari. Pinakanatatangi na rito ay ang pagiging lunsaran ng Himagsikang Pilipino, dahilan upang mapabilang ang Tarlac sa isa sa mga sinag ng araw sa ating pambansang watawat. At dahil dinaanan ito ng riles ng tren, naging makasaysayan pang lalo ang lalawigan ng Tarlac. Noong 1899, dalawang beses na naging kabesera ng Unang Republika ng Pilipinas ang lalawigan: una ay sa Bamban, at sunod ay sa Lungsod ng Tarlac. Mapalad ang Tarlac State University sapagkat sa Main Campus nito dating nakatayo ang palasyo ni Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng Pilipinas. Noon namang 1942, sa bayan ng Capas tinipon ang libo-libong mga sundalong Pilipino at Amerikano na sumuko sa Bataan. Samakatuwid, ang lupain ng Tarlac ay sagrado dahil diniligan ito ng dugo at pawis ng mga nagsilang at nagtanggol sa kalayaan, demokrasya, at soberanya ng Pilipinas.

Binabati ko ang mga Tarlakenyo sa paggunita nila sa ika-150 anibersaryo ng pagkatatag bilang lalawigan. sa webinar na ito ng aking kaibigan at kapwa Komisyoner sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na si Dr. Lino Dizon, mapapalalim pa ang ating kaalaman tungkol sa Tarlac. Ayon nga sa napakagandang “Awit ng Tarlac,” ang Tarlac ay “pugad… ng may giting at dangal, luklukan ng mga taong banal.”

Gamitin natin ang kasaysayan upang magbigay inspirasyon na lalo pang makiambag sa kaunlaran at kaginhawahan ng pilipinas at manatiling mabuti sa kapwa.

Dr. Emmanuel Franco Calairo