17 Pebrero 2023, Metropolitan Theater, Manila

Magandang hapon sa tanan.

Kami ay nagpapasalamat sa inyong pagdalo dito sa premiere ng Gomburza. Ito ay pagpupugay ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa ika-150 anibersaryo ng pagkamartir nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora na ating inilunsad noong 2021 at ginunita noong 2022. Ngayong araw, Pebrero 17, sa ika-151 anibersaryo ng kanilang pagkamartir, ay pormal nang sinasara ang paggunita. sinimulan natin ang araw na ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa mga bantayog ng tatlong pari sa Luneta, Paco, Pandacan, Bacoor, at Vigan. Ngayong hapon, tayo’y nagkakatipon dito sa Tanghalang Metropolitan upang sariwain ang kanilang alaala sa pamamagitan ng isang dokumentaryo.

Sa araw na ito noong 1872, binitay ang tatlong pari ng pamahalaang Espanyol sa Bagumbayan, ngayo’y Liwasang Rizal. Sila ay inakusahang nagpasimuno ng pag-aaklas sa bodega ng armas sa Cavite noong ika-20 ng Enero 1872. Subalit hanggang ngayon, nananatili pa rin ang katanungang sila nga ba ang nagpasimuno ng pag-aaklas? Sasagutin iyan ng dokumentaryo.

Dapat na mabatid na ang pagkamartir ng Gomburza ay higit pa sa paggiit na isalin na ang mga simbahan sa Pilipinas sa mga paring sekular na karamiha’y binubuong dugong Pilipino. Ang pagbitay sa kanila ay nag-iwan ng troma sa ating mga ninuno. Dahil kung nagawa ng mga Espanyol na kitlin ang buhay ng mga iginagalang na tao tulad ng mga pari, paano pa mga ordinaryong indio o katutubo ng bayang ito. Sa tindi ng pangyayari, napukaw ng Gomburza ang mga sumunod na henerasyon na magsulong ng reporma sa lipunang Pilipino tulad ng pagkakapantay-pantay, katarungan, edukasyon, at karapatang pantao. Dahil patuloy ang kamanhiran sa pagdinig sa karaingan ng mga indio, nauwi na ito sa paghihimagsik noong 1896 at kalauna’y paglaya at pagiging bansa ng Pilipinas noong 1898.

Kami po’y nagpapasalamat sa pamunuan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining sa pagpapalabas ng dokumentaryo na ito. Pagpupugay po sa tagapagsulong at patnugot tagapagpaganap ng NCCA, Igg. Victorino Mapa Manalo at Igg. Oscar Casaysay, at sa tagapangasiwa ng Tanghalang Metropolitan, G. Aaron Veloso.

Nawa’y maibigan ninyo ang palabas. Maraming salamat po.