MENSAHE
Nanunungkulang Opisyal Carminda R. Arevalo,
Tanggapan ng Patnugot Tagapagpaganap
Araw ng Paggunita sa Digmaang Pilipino-Amerikano
4 Pebrero 2023

Magandang umaga po sa ating lahat.

May 124 taon na ang nakararaan, isang hindi pagkakaunawaan sa pook na ito ang naging mitsa ng digmaan sa pagitan ng pilipinas at ng Estados Unidos. Kapapanalo pa lamang natin ng ating kasarinlan mula sa pananakop ng mga Espanyol at kalahating buwan pa lamang din noon nang ipagdiwang sa Malolos ang pagpapasinaya ng isang republikang konstitusyonal.

Sa gitna ng paghahanda ng ating bansa sa ika-125 anibersaryo ng pagpapahayag ng ating kalayaan mula sa pananakop—anibersaryong ipagdiriwang natin nang buong galak at rangal—ang araw na ito ay nagpapaalalang hindi natatapos ang kuwento ng ating paglaya sa pagwagayway ng Pambansang Watawat at pagtugtog ng Pambansang Awit.

Sa pamamagitan ng araw ng paggunita sa Digmaang Pilipino-Amerikano o Philippine-American War Memorial Day, ginugunita natin at pinagpupugayan ang mga ninuno nating ipinagtanggol ang ating kasarinlan kahit may kakulangan sa sandata, pagkain, gamot at iba pa.

Sinasamahan din natin ang ating mga ninuno sa paninindigan nila para sa kalayaan at kasarinlan, at hindi lamang sa larangan ng pakikidigma kundi sa pamamagitan ng panitikan, musika at sining.

Kahit nadakip na si Pangulong Emilio Aguinaldo at sumuko na ang ilang mga heneral, ipinagpatuloy ng marami pa nating kababayan ang laban. Kabilang sa kanilang pangkat sina Macario Sakay at Luciano San Miguel, mga katutubo sa Cordillera, mga kilusang milenaryo sa Visayas, at mga Moro sa Mindanao. Ito ang dahilan kung bakit kinikilala natin ang taong 1913 at hindi 1902 bilang wakas ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Sa panahong iyon, kahit sa mga pook na sakop ng mga dayuhan, pinatunayan ng ating mga ninuno ang kakayahan nilang mamuno sa sariling bayan, kakayahang pinatunayan na natin sa Malolos. Hindi tayo umatras sa mga pagkakataon na umokupa ng espasyo sa pamahalaang kolonyal at ipinagpatuloy ang panawagang ibalik ang kasarinlan.

Matapos ang isandaan at dalawampu’t apat na taon, patuloy ang ating pakikibaka upang ang mga benepisyo ng kalayaan at kasarinlang ating nabawi ay maramdaman ng lahat ng pilipino. Upang matupad ito, kailangang sariwain sa ating isip ang giting ng ating mga ninuno at ang halaga ng kalayaang kanilang ipinagtanggol.

Sa tunguhing ito, kaagapay ninyo ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas hindi lamang sa mga ritwal ng paggunita at sa pagpapatakbo ng mga museo at dambana para sa mga bayani ng panahong iyon, kundi pati na rin sa patuloy na pananaliksik at pagpapalaganap ng kaalaman at kamalayang pangkasaysayan.

Mabuhay ang alaala ng ating mga bayani.

Mabuhay ang pilipinas. Mabuhay po tayong lahat.