LIWASANG RIZAL, MANILA ─ Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pamumuno ng kanilang Tagapangulo Dr. Emmanuel Franco Calairo, ay pangungunahan ang paggunita sa araw ng kabayanihan ng tatlong martir na sina Padre Mariano Gomes, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora, mas kilala bilang GOMBURZA, sa 17 Pebrero 2024, Sabado, 8:00 ng umaga sa Gomburza Execution Site, Liwasang Rizal, Maynila.
Pangungunahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang unang bahagi ng programa sa pagtugtog ng pambansang awit. Susundan ito ng mga pag-aalay ng bulaklak mula sa mga sumusunod: Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas; Roman Catholic Diocese ng Maynila; Tanggapan ng Lungsod ng Maynila; NHCP; Pambansang Museo ng Pilipinas; Komite ng Pagpapaunlad ng mga Pambansang Liwasan; Kagawaran ng Edukasyon- Sangay ng Paaralang Lungsod ng Maynila, Intramuros Administration, The Most Worshipful Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines, Knights of Columbus, Boy Scouts of the Philippines, Girl Scouts of the Philippines, Salute to a Clean Flag at Cediestans PH.
Magsisimula susunod na bahagi ng programa sa bating pambungad mula kay Patnugot Tagapagpaganap Cecille Lorenzana-Romero, kasunod ng Pansigligwang Pananalita ni Tagapangulo Calairo at mensahe mula sa Pangalawang Punong Lungsod John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto. Sa pagsasara ng bahagi, isang talumpati mula kay H.E. Jose G. Cardinal Advincula, D.D. ang mapakikinggan.
Bilang bahagi ng mga Gawain para sa pag-alala sa GOMBURZA, mag-aalay din ng bulaklak sa GOMBURZA National Monument, P. Burgos St. Manila at magbabasbas sa puntod ng GOMBURZA sa loob ng Paco Cemetery, Maynila na pangungunahan ni Rev. Fr. Joel Rescober, C.M.
Maaalala na ang tatlong pari ay nahatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng garote dahil ibinintang sa kanila ang pakikibahagi sa kampanya laban sa mga prayleng Kastila. Naniniwala sila sa sekularisasyon ng bansa at sa pagkakaroon ng parehas na karapatan ng mga Pilipino at Kastila bilang mamamayan ng bansa.
Inialay ni Jose Rizal ang nobelang El Filbusterismo sa Gomburza at gayundin ang pag-alaala ni Andres Bonifacio sa kanilang kabayanihan na mababasa sa ilang dokumento ng Katipunan.
Ang NHCP ang pambansang sangay ng pamahalaan na naatasan sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga pambansang pamana sa pamamagitan ng saliksik, lathala, heraldiko, konserbasyon, pagtatakda sa mga makasaysayang pook at istruktura at pangangasiwa ng mga pambansang dambana at museo.
Refer to:
NHCP Communications Team
T.M. Kalaw Ave., Ermita, Manila 1000
info@nhcp.gov.ph | nhcpcommunications@gmail.com
(+632) 5335-1217 | (+63960) 328-4200