Gugunita ngayong araw ang ika-103 anibersaryo ng pagpanaw ni Mariano Ponce, kilalang propagandista at mananaliksik sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas.

Nag-alay ng bulaklak ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) sa bantayog ng bayani sa Museo ni Mariano Ponce (MMP) na nakatirik sa pook kung saan siya ipinanganak. Nakibahagi sa payak na seremonya si G. Jayjay Ponce Gonzalez bilang kinatawan ng mga kaanak ni Ponce at si G. Pedrito Gonzales Cabingao, tagapangasiwa ng pangkat na BB SIKADSAYSAYAN.


Bulaklak na ipinadala ng Tanggapan ng Pangulo upang gunitain ang pagpanaw ni Mariano Ponce


Mga bulaklak na inialay sa bantayog ni Mariano Ponce kaninang umaga.

 

G. Ericson Jose Dublas (gitna), kurador ng Museo ni Mariano Ponce kasama ni G. Jayjay Ponce Gonzalez (kaliwa), kaanak ni Mariano Ponce, at G. Pedrito Gonzales Cabingao (kanan), tagapangasiwa ng grupong BB SIKADSAYSAYAN.

 

Mga Webinar

Maliban sa pag-aalay ng bulaklak, inalaala si Ponce nitong nagdaang lingo sa pamamagitan ng mga webinar na mapapanood pa sa Facebook page ng MMP.

– “Mi Casa: 637 Miyokojiyama Yokohama”
20 Mayo 2021, 2:00 ng hapon
G. Jay Jay Ponce Gonzalez, apo ni Mariano Ponce

https://www.facebook.com/279004636312571/videos/374348647316656

– “Si Mariano Ponce at ang Pagkilala at Pagtibay ng Diwang Pilipino”
21 Mayo 2021, 5:00 ng hapon
Dr. Jose Victor Torres, propesor sa De La Salle University Manila

https://www.facebook.com/279004636312571/videos/615987266466841

Bilang pakikiisa, magsasagawa rin ng webinar ang Museo ng Baliwag sa 29 Mayo 2021, ika-2:00 ng hapon. Magtatalakay ang curator nitong si Bb. Jesusa Garcia sa paksang, “Ang Baliwag ni Ponce: Mga Yamang Pamana ng Baliwag.”

Mga Dokumentaryo

Mapapanood din sa Facebook page ng MMP ang ilang dokumentaryo tungkol kay Ponce upang makilala siya lalo ng mga Pilipino. Inihandog ang mga ito sa pakikipagtulungan ng Bulacan Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office.

https://www.facebook.com/279004636312571/videos/1118325831995625

Ang NHCP ay ang ahensiya ng pamahalaang pambansa na naatasang palaganapin at pangalagaan ang pamanang pangkasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pananaliksik at publikasyon, konserbasyon, pagmamarka ng mga palatandaan at gusaling makasaysayan, at pamamahala ng mga pambansang dambana at museo.