ni Jacinto J. Salvador, Museum Guide
CASA REAL NG MALOLOS
Ipinatayong yari sa kawayan at kogon noong 1580 ng mga Paring Agustino ang estruktura nang kanilang itinatag ang Pueblo ng Malolos upang maging tanggapan ito ng Gobernadorcillo. Pinalakihan at isinaayos gamit ang kahoy at nipa noong mga taong 1767-1768 at muling kinumpuni, gamit naman ang tisa at mortar noong 1786. Taong 1797 nang sinasabing inilipat ang Tresorerya ng Pamahalaang Kastila mula Maynila patungong Malolos at inilagak sa Casa Real dahil sa napipintong digmaan laban sa mga Ingles.
Ngunit kahit ang mas matibay na tisa at mortar ay hindi nagtagal, kung kaya’t noong 1843, muling ipinagawa ang Casa Real na tinustusan ng pondong mula sa mga principales, at kusang-loob na dinagdagan ng mga mamamayan ng Malolos. Liban pa dito ang pondong mula sa Propios y Arbitrios na hindi pa rin naging sapat, kung kaya’t sinulatan ni Padre Francisco Miro ang Gobernador-Heneral upang tustusan din ang nasabing pagpapagawa.
Noong hinati ang Bayan ng Malolos sa tatlong magkakahiwalay na bayan (Malolos, Barasoain, at Sta. Isabel), taong 1859, ang Casa Real ang nagsilbing Presidencia Municipal ng bayan ng Barasoain. Subalit ang tatlong bayan ay muling pinag-isa sa ilalim ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ni Hen. Emilio Aguinaldo noong 1898.
Mula sa Bacoor, inilipat ni Hen. Aguinaldo ang sentro ng Pamahalaang Rebolusyunaryo patungong Malolos, sa kadahilanang ang lugar ay malayo sa dagat at hindi maaabot ng mga kanyong pandigma mula sa Look ng Maynila. Maaliwalas din ang mga lansangan ng naturang bayan at higit na mabilis ang transportasyon sa pamamagitan ng bangka sa ilog o tren. Dahil dito, napilitang ilipat ng noo’y Gobernadorcillo ang kanyang tanggapan sa Casa Tribunal. Isang bahagi naman ng Casa Real ang nagsilbing Tanggapan ng Pambansang Palimbagan at ang isang bahagi ay para sa Tresorerya ng Pamahalaan.
Abril ng taong 1918, sa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano, ang Casa Real na mas kilalang Presidencia Municipal ng mga panahong iyon, ay ipinaayos at pinaganda. Muli itong pinalakihan at dinagdagan pa ng magkabilang balkonahe gamit ang bakal at semento.
Panandaliang nagsilbi din ang gusali bilang ekstensyon ng Bulacan High School (ngayon ay Marcelo H. Del Pilar National High School), noong 1941. Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapon, 1942-1945, ginamit ang Casa Real ng Sibilyang Pamahalaan bilang tanggapan ng Federation of the Japanese Chamber of Commerce at ang likod na bahagi bilang bodega.
Matapos mapalaya ang Bulacan noong 1945, ginamit ang Casa Real ng PRATRA (Philippine Relief and Trade Rehabilitation Administration), isang sangay ng Sandatahang Amerikano na siyang naatasang mamahagi ng mga relief goods. Kaugnay nito, matapos mawasak dahil sa digmaan ang Pamahalaang Panlalawigan, ginamit din itong pansamantalang kapitolyo, at silid aralan ng Bulacan College of Arts and Trade (BCAT).
OKTUBRE 1965
Sa unang bahagi ng 1965, nagpasa ng isang kapasiyahan ang Konseho ng Bayan ng Malolos, na sinang-ayunan ng Pamahalaang Panlalawigan, upang paupahan sa loob ng 25 taon ang lupang nasasakupan ng Casa Real sa isang pribadong negosyante na balak magpatayo ng “gasoline station”. Binibigyan din ng Kasunduan sa Pag-upa ng pagkakataon ang umuupa na bilhin ang kabuuang lupa matapos lamang ang limang taon.
Dito pinasimulan ni G. Jose PW Tantoco ang krusada upang mapigilan ang planong ito ng Konseho at ng umuupa, na sa mga sandaling iyon ay inuumpisahan nang gibain o idemolish ang Casa Real. Upang mapigilan ang ginagawang demolisyon, sa pangunguna ni G. Tantoco, inihabla sa tulong ng Tagapangulo ng Philippine Historical Committee, Carlos Quirino ang Pamahalaang Bayan ng Malolos, March 18, 1965.
Natapos lamang ang mga usapin noong ika-4 ng Oktubre, nang ipinahayag ni Pangulong Diosdado Macapapagal ang Executive Order No.173, na nagdedeklara sa Casa Real bilang “Pambansang Dambana.” Nakasaad sa kautusan ang mga kadahilanang; ito ay isang estruktura na 400 taong nakatayo, dito matatagpuan ang unang palimbagan ng Unang Republika ng Pilipinas, at dito rin inilagak ang unang gobyerno ng Pamahalaang Rebolusyonaryo.
OKTUBRE 2016
Ika-11 ng Oktubre taong 2016 nang pasinayaan sa Casa Real ang inilipat na Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas. Alinsunod sa Museums Modernization Plan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, ang lahat ng mga museo na nasa ilalim ng pamamahala nito ay isasaayos at paghuhusayin.
Itinatampok sa museo ang 5 Galleries: Kaginhawahan (Pre- colonial period), Paniniil (Spanish Colonization period), Pagbabangong Puri (Revolution), Pagbubuo ng Bayan (American, Japanese periods, War Rehabilitation era, US Bases, Martial Law, Edsa People Power Revolution, at West Philippine Sea Issue), at Patuloy na Pakikibaka. Nagtatampok din ang museo ng mga makabagong teknolohiya kagaya ng mga AVPs (Audio Visual Presentations), Interactive Terminals at AR (Augmented Reality) upang maging mas kaaya- aya ang pagsilip sa ating kasaysayan, lalo na para sa mga kabataan.
OKTUBRE 2023
Kaugnay sa ika-58 taong anibersaryo ng Pagpapahayag sa Casa Real ng Malolos bilang isang Pambansang Dambana, idinaos ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos ang kanilang ika-64 karaniwang pagpupulong sa NHCP- Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas, Dambana ng Casa Real. Sa pagkakataong ito, kanilang inihayag, sa pamamagitan ng Kapasiyahang Panlungsod Blg. 285-2023 ang “Pagbati at Pagsuporta ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ng Punong Lungsod, Kgg. Abgdo. Christian D. Natividad at lahat ng bumubuo ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ng Pangalawang Punong Lungsod, Kgg. Miguel Alberto T. Bautista sa pagdiriwang ng ika-58 Taong Anibersaryo ng Pagpapahayag sa Casa Real ng Malolos bilang Pambansang Dambana sa pamamagitan ng Atas Tagapagpaganap Bilang 173, serye 1965.”
Tunay na makasaysayan ang Oktubre para sa Casa Real, hindi lamang napanatili ang estruktura at mga gunita na kasama nito, nakasabay pa ito sa makabagong panahon at nagsilbing gabay ng bayan sa pag-alaala sa kasaysayan ng kasarinlan. Bilang isang mahalaga at pangunahing simbolo ng pamahalaan ng Pilipinas, ang Casa Real ay patuloy na nagtataguyod ng mga adhikaing pagmamahal sa bansa at pagpapayaman ng ating pagka-Pilipino.
Sanggunian:
- Bakit Malolos? Exhibition, Manila 2023
- NHI Panandang Pangkasaysayan, Casa Real, 1990
- Official Gazette, Executive Order 173, 1965
- Valeriano and Tantoco, The Historic Casa Real of Malolos, Del Pilar Foundation, 1982