Jose Ruel Paguiligan
Senior Shrine Curator, NHCP Museo ng Republika ng 1899
Sa muling pagbabalik ng mga rebolusyunaryong Pilipino sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo mula sa Hongkong noong ika-19 ng Mayo 1898, nabuhay ang pakikidigma laban sa mga Kastila para sa hangaring makamit ang kalayaan. Ang pagpasiyang pagbalik sa bansa ng mga rebolusyunaryo ay bunsod ng hindi pagtalima ng mga Kastila sa mga nilalaman ng kasunduan sa Biak-na-Bato noong Disyembre 1897 at sa panghihimok ng ilang mga Amerikanong opisyal. Sa kanyang pagbabalik, dala ni Aguinaldo ang isang konstitusyong binalangkas ni Mariano Ponce na syang nagtatatag ng isang Pamahalaang Rebolusyunaryo, subalit mas kinatigan ang dekretong binalangkas ni Ambrosio Rianzares Bautista na nagbigay daan sa isang Pamahalaang Diktatoryal noong ika-24 ng Mayo 1898.
Sa pagkatatag ng isang pamahalaan, ninais ni Aguinaldo na tuluyang ihayag ang kalayaan ng bansa mula sa mga Kastila. Isang dekreto ang kanyang inilabas noong ika-05 ng Hunyo 1898 na nagtakda sa araw ng pagpapahayag ng kasarinlan sa petsang ika-12 ng Hunyo 1898. Sa araw na ito, sa ganap na ika-4:20 ng hapon, winagayway ang bandila ng Pilipinas sa bintana ng tahanan ni Aguinaldo sa Cavite El Viejo (kasalakuyang Kawit). Binalangkas at binasa ni Ambrocio Rianzares Bautista ang Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino. Ang Acta ay nilagdaan ng walumput-walong Pilipino at isang Amerikanong opisyal na sumaksi ng paghahayag ng kalayaan. Subalit, ang dokumentong ito ay hindi nilagdaan ni Aguinaldo sa kadahilanang nakapaloob dito na magiging protektado ng Estados Unidos ang Pilipinas.
LITRATO NI AMBROSIO RIANZARES BAUTISTA (KALIWA mula sa facebook page ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office) AT ANG DOKUMENTONG BINASA NOONG IPINAHAYAG ANG KALAYAAN SA TAHANAN NI HENERAL EMILIO AGUINALDO NOONG 12 HUNYO 1898 (KANAN, Wikimedia Commons)
Ang maagang pagpapahayag ng kalayaan ni Aguinaldo ay tinutulan ni Apolinario Mabini sa kadahilanang ang reorganisasyon sa pamahalaan at pagkuha ng suporta at pagkakilala ng mga dayuhang bansa sa kakayanan ng mga Pilipino sa pamamahala ang mas marapat na pagtuunan ng pansin bago ihayag ang kalayaan. Si Mabini ay naging tagapayo ni Heneral Aguinaldo. Noong ika-18 ng Hunyo 1898, binalangkas ni Mabini ang isang dekreto na naglatag ng batayan para sa muling pagsasaayos ng pamahalaan sa mga bayang ganap na nakalaya mula sa mga Kastila.
Ang pamahalaang diktatoryal na itinatag ni Aguinaldo noong ika-19 ng Mayo ay naging pansamantala lamang. Sa bisa ng isang kautusang inihanda ni Mabini at ipinalabas ni Aguinaldo, naitatag ang pamahalaang rebolusyonaryo noong ika-23 ng Hunyo 1898.
Noong ika-15 ng Hulyo 1898, inilipat ang pamahalaang rebolusyonaryo sa Bacoor. Ang Bahay Tisa, pagmamay-ari ng pamilyang Cuenca, ang nagsilbing himpilan ng pamahalaan. Isang kautusan ang ipinalabas para sa paghahalal ng mga kinatawan ng bayan na nakatakdang magpulong sa unang araw ng Agosto. Sa nasabing pagpupulong, tinatayang 200 na halal na punong bayan ang nagtipon upang talakayin ang kasarinlan ng Pilipinas at manumpa ng katapatan sa kanilang mga tungkulin.
Sa okasyong ito, pinagtibay ang acta na isinulat ni Apolinario Mabini at nilagdaan ng mga hinalal na punong bayan mula sa iba’t- ibang lalawigan. Lumagda rin sa nasabing dokumento si Leandro Ibarra at si Heneral Emilio Aguinaldo.
BAHAY NA TISA NG PAMILYA CUENCA (KALIWA, mula sa facebook page ni G. Jose Napoleon Cuenca, kaanak ng pamilya Cuenca) PANANDANG PANGKASAYSAYAN NA INILAGAY NG PAMBANSANG KOMISYONG PANGKASAYSAYAN NG PILIPINAS (KANAN, Wikimedia Commons)
Kasama sa dekreto na ipinatupad ni Aguinaldo ang paglikha ng isang kongreso kung saan bawat lalawigan ng bansa ay may kinatawan. Sa kabila nito, nananatiling nasa panganib ang bansa mula sa mga dayuhang mananakop, lalo na’t hindi pa ganap na naililipat ang soberanya sa mga Pilipino. Dahil dito, iminungkahi ni Mabini kay Aguinaldo na ilipat ang kabesera ng gobyerno sa Malolos. Naganap ang unang sesyon ng kongreso noong ika-15 ng Setyembre 1898 sa Simbahan ng Barasoain.
Noong ika-29 ng Setyembre 1898, pinagtibay ng Kongreso ng Malolos ang deklarasyon ng kalayaan. Ang deklarasyong ito ay ipinadala sa mga diplomatikong Pilipino sa iba’t ibang bansa bilang bahagi ng kampanya para sa pagkilala sa kalayaan ng Pilipinas. Itinuturing itong isa sa mga unang mahahalagang gampanin ng Kongreso ng Malolos tungo sa pagtatatag ng republika.
Isang malaking selebrasyon ang idinaos sa Malolos para sa ratipikasyon ng kalayaan. Ang mga kalsada ay napalamutian, at nagkaroon ng paradang sibiko mula sa simbahan ng Malolos patungo sa simbahan ng Barasoain. Nagdiwang ang taumbayan, sabik na sa matagal nang inaasam na kalayaan. Ang araw ng ratipikasyon ay nagsilbing patunay na ganap nang malaya ang mga Pilipino.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, isang bangkete ang idinaos sa simbahan ng Barasoain. Ang bangkete para sa Kongreso ng Malolos ay dinaluhan ng mga delegado, mga opisyal ng militar, at mga kilalang personalidad.
Idinisenyo ni Arcadio Arellano ang menu, na hinango mula sa watawat ng Pilipinas at may nakaimprentang “Solemne Ratificacion de la Independencia Filipinas.” Kapag binuksan ito, makikita ang mga salitang “Libertad” at “Fraternidad.”
Nagkaroon ng bangkete para sa pananghalian at panghapunan. Ang mga inihandang pagkain ay putaheng Pranses, kaya’t masasabi na ang piging ay natatangi para sa panahong iyon. Isa itong paraan upang ipakita sa mundo na ang mga Pilipino ay edukado, nakasasabay sa agos ng panahon, at higit sa lahat, may kakayahang pamunuan ang kanilang sariling bansa.
ANG MENU CARD AT NILALAMAN PARA SA PANANGHALIAN AT HAPUNAN
Filipinas Heritage Library thru Issu
https://issuu.com/phinfrance/docs/ph-fr_discovery_rediscovery-lowres/s/13118765>
MGA SANGGUNIAN:
Agoncillo, Teodoro. 1960. Malolos: Crisis of the Republic. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press.
Calairo, Emmanuel Franco. 2018. Proclamation Philippine Independence: The Truth About August 1, 1898 Bacoor Assembly (A Historiographical Inquiry). Lungsod ng Bacoor: City Tourism Development Office.
Guerrero, Milagros C., Schumacher, John N. 1998. Volume
Guevara, Sulpicio. 1972. The Laws of the First Philippine Republic (The Laws of Malolos) 1898-1899. Manila: National Historical Commission.
June 12, 1898 and Other Related Documents. 1972. Manila: National Historical Institute
Ocampo, Ambeth R. 1998. “Another View of the Malolos Banquet” KASAYSAYAN The Story of the Filipino People Volume Five
Ocampo, Ambeth R. 2021. “Much ado over a menu” Inquirer.net. https://opinion.inquirer.net/146593/much-ado-over-a-menu
Ocampo, Ambeth R. 2020. “Where’s Aguinaldo’s Signature?” Inquirer.net. https://opinion.inquirer.net/…/wheres-aguinaldos-signature
Pamahalaang Rebolusyonaryo, Bakoor, Cavite Historical marker https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Pamahalaang_Rebolusyonaryo,_Bakoor,_Kabite_historical_marker_-_1.jpg
Cuenca Ancestral House, Jose Napoleon Cuenca https://www.facebook.com/photo/?fbid=10163176283078275&set=a.10150621220328275
Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino
Portrait of Ambrocio Rianzares Bautista, Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office
https://www.facebook.com/photo.php?fbid=837455173074158&id=650109391808738&set=a.650454591774218
Filipinas Heritage Library thru Issu
https://issuu.com/phinfrance/docs/ph-fr_discovery_rediscovery-lowres/s/13118765>