Bakit Mahalaga sa Kasaysayan ang Unang Republika ng Pilipinas?
Kristoffer Pasion, Roscelle Cruz, and Eufemio Agbayani III
Sa 23 Enero 2021, gugunitain natin ang pagpapasinaya ng Unang Republika sa Malolos, Bulacan 122 taon na ang nakaraan. Ang makasaysayang kaganapang ito ay bunga ng mga pagsusumikap na iniharaya at sinimulan ng maraming Pilipino.
Maiuugat ang Unang Republika sa Kilusang Propagandang pinamunuan nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, at mga kasama na naghangad ng pantay na pagtrato sa mga Pilipino at representasyon sa Cortes, ang lehislatura ng Espanya. Ang mga ideya nila ay tinanggap at pinalago ni Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at mga kasama nila na nagtatag ng Katipunan, nag-alsa, at lumaban para sa kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya. Kapalit ng kolonyang Espanyol, pinangarap nila ang isang “Haring Bayang Katagalugan” kung saan ang kapangyarihang mamahala ay magmumula sa taumbayan—sa madaling sabi, isang lipunang demokratiko.
Hindi nawala ang paghahangad na magtatag ng republika, bagaman sa ibang anyo, kahit matapos ang tunggalian para sa kapangyarihan sa Kumbensyon ng Tejeros noong 22 Marso 1897 at ang Republikang Biak-na-Bato (Nobyembre 1897) na nagwakas dahil sa kasunduan ng Biak-na-Bato (15 Disyembre 1897). Bahagi ng kasunduan ang kusang eksilo ng mga pinunong rebolusyonaryo sa Hong Kong, ngunit maaaring lumisan silang nasa isip pa rin ang pagbuo ng isang republika.
Sa tulong ng Estados Unidos na umuusbong noon bilang isang superpower, bumalik si Emilio Aguinaldo noong Mayo 1898 mula sa pagkakatapon upang pamunuan muli ang isang bansang nag-aalsa. Habang unti-unting nagtatagumpay ang mga Pilipino, ipinagpasyang ipahayag ang kasarinlan noong 12 Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite. Karamihan sa mga lumagda ng dokumento ay mga pinunong militar. Isa pang proklamasyon ang inilabas noong 1 Agosto sa Bacoor, Cavite kung saan ang mga nakalagda ay mga pinuno at kinatawan na hinalal sa mga napalayang bayan.
Sa pamamagitan ng mga proklamasyong ito, ipinakita ng mga Pilipino na bumubuo na sila ng isang Republikang kapantay sa mga bansa sa daigdig. Ang Konstitusyon nito ay sinulat ng isang asamblea ng mga kinatawan ng bawat bahagi ng bansa. Ipinagtibay nito ang mga karapatan ng mga Pilipinong ipinagkait sa kanila ng mga mananakop. Bumuo ito ng pamahalaan kung saan ang kapangyarihan ay nahahati sa tatlong sangay—ang Ehekutibo, ang Lehislatura, at ang Hudikatura. Kinilala ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado, itinaguyod ang edukasyon, at pinahalagahan ang sariling wika.
Bagaman naging matindi ang debate para sa Konstitusyon, ang pinal nitong borador ay ipinagtibay noong 21 Enero. Nagbigay-daan ito sa pagpapasinaya ng Republika makalipas ang dalawang araw. Kumpara sa mga nakaraang pamahalaang Pilipino, nakapagpatupad ito ng mga buwis, nakapaglabas ng mga salapi at koreyo, at nakapagtatag ng pamantasan. Organisado ang mga hukbo nito: may mga ranggo, uniporme, at akademya. Mayroon din itong hukbong-dagat na binuo ng mga bapor na nakubkob at ipinagkaloob ng mga mayayamang Pilipino.
Inilimbag ang mga batas ng Republikang ito sa sarili nitong gaseta, at ipinatupad ng mga awtoridad sa mga bayang naaabot nito. Kinilala ito sa malaking bahagi ng Luzon, ilang bahagi ng Mindanao, at kahit ng mga nagsasariling pamahalaan sa Visayas. Hindi pa man napapasinayaan ang Republika, pinamunuan na ng Comite Central Filipino na nakabase sa Hong Kong ang mga gawaing diplomatiko ng malayang Pilipinas. Mayroon itong mga kinatawan sa Tokyo, Paris, Madrid, London, at Washington upang itaguyod ang kalayaan ng Pilipinas at kilalanin ito ng ibang bansa.
Labindalawang araw lamang matapos ang masayang pagpapasinaya nito, naharap ang Republika sa pinakamatindi nitong hamon. Ang inakalang kakampi na Estados Unidos ay bago palang mananakop, para turuan daw ang mga Pilipino kung paano mag-organisa ng pamahalaang demokratiko. Ngunit sa kakaunting taong pag-iral nito, pinatunayan ng Unang Republika ng Pilipinas sa daigdig na kaya ng mga Pilipino noon at ngayon na pamahalaan ang sarili.
Mga Kasamang Larawan
Pagdating ni Emilio Aguinaldo sa pagpapasinaya ng Republika, 23 Enero 1899
Emilio Aguinaldo arrives for the Republic’s inauguration, 23 January 1899
NATIONAL HISTORICAL COMMISSION OF THE PHILIPPINES
Comité Central Filipino habang nagtatrabaho, Hong Kong, bandang 1898
NATIONAL HISTORICAL COMMISSION OF THE PHILIPPINES
Mga sundalong bahagi ng hukbong Pilipino kasama si Hen. Gregorio H. del Pilar, bandang 1899
NATIONAL HISTORICAL COMMISSION OF THE PHILIPPINES
Badyet para sa taong 1899
SULPICIO GUEVARA, THE LAWS OF THE FIRST PHILIPPINE REPUBLIC (1972)
Pabalat ng isang polyeto ng Saligang-Batas ng 1899
NHCP MUSEO NINA LEON AT GALICANO APACIBLE
Salaping isang piso na inilabas ng Unang Republika
NHCP MUSEO NG KASAYSAYANG PAMPULITIKA NG PILIPINAS
Liham kay Hen. Miguel Malvar tampok ang mga koreong inilabas ng pamahalaang Pilipino, bandang 1899
POTENCIANO MALVAR COLLECTION
Unang pahina ng Gaceta de Filipinas, 1 Agosto 1899
NATIONAL LIBRARY OF THE PHILIPPINES
May nais ka pa bang malaman? Bisitahin ang aming online exhibit sa Facebook Page ng Museo ng Republika ng 1899
Click here to access Online Exhibit on Museo ng Republika ng 1899 Facebook Page