By Eufemio Agbayani III

Noong Lunes, 22 Mayo, ipinagdiwang ng bansa ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Julio Nakpil. Kilala siya hindi lamang dahil sa pagiging pangalawang asawa ni Gregoria de Jesus na balo ni Andres Bonifacio. Isa rin siyang mahusay na kompositor na sumulat ng ‘Marangal na Dalit ng Katagalugan’ na siya sanang magiging pambansang awit ng Haring Bayang Katagalugan ni Bonifacio.

Gayunman, hindi alam ng marami na isa rin siyang pinunong rebolusyonaryo. Bagaman hindi siya sumapi sa Katipunan, itinalaga siya ni Andres Bonifacio bilang kalihim, at sa kalaunan ay pangulo, ng Mataas na Sanggunian ng Hilagaan na nakabase sa lungsod ng Pasig.

Matatagpuan sa mga dokumento mula Archivo General Militar de Madrid sa Espanya ang ilang liham na nilagdaan ni Julio Nakpil, Emilio Jacinto na punong hukbo, at kalihim na si Leon dela Cruz. Sa mga liham na ito, humihiling ng abuloy ang Mataas na Sanggunian ng Hilagaan upang ipambayad sa mga armas na nabili sa Hong Kong ng isang “comite revolucionario.”

Narito ang isang halimbawa ng sulat:

“Sa G. Francisco Sta. Ana

Minamahal naming kababayan,

Aming minatapat na kayo’y sulatan upang kami’y inyong abuluyan sa gipit naming kalagayan bagay sa pakikipaghamok, sapagka’t totoong nagkakailangan ng mga baril, lantaka at iba’t iba pang sandata: ito ang nagiging kadahilanan kung kanya hindi mahigla ang pagtatagumpay ng  ating naaping bayan tinubuan, kung kami’y magkaroon ng baril ay nadadaan lamang sa panpaaga

            Sa bagay na ito’y aming minarapat na kayo’y tungkulan ng $2,000 dalawang libong piso sa akala namin ay di ipagkakait sa mga kalahing kababayan at hindi naman ipagdadalita ng mga gaya ninyong nakaririwasa

            Ang Comite Revoluncionario sa Hongkong ay nakaremate ng rifle sa almoneda, ngunit kinakailangan mauna muna ang kabayaran.

            Pagpalain kayong lahat diyan ng Maykapal sa mahabang panahon at tanggapin ang mahigpit naming yakap

            Pasig ika-10 ng Marso ng 1897

 

Ang M. N. Pang-ulo

Julio N. Giliw

 

Ang K. P. Hukbo

Emilio Jacinto

 

Ang M. N. Kalihim

Leon dela Cruz

Habagat”

Paanong nagkaroon ng koneksyon si Nakpil sa Hong Kong, at sino ang bumubuo ng lupong tinutukoy niya?

Matagal nang puntahan ng mga Pilipino ang Hong Kong. Marami sa mga umiwas sa pag-uusig ng mga Espanyol ang dito piniling manatili. Kabilang sa mga ito si Felipe Agoncillo, isang abugadong taga-Taal, Batangas. Nakilala si Agoncillo dahil sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap na humihingi ng tulong sa kanya. Dahil dito, pinaghinalaan siyang isang subersibo. Noong 1895, ipinag-utos siyang ipatapon sa Jolo, Sulu ngunit inunahan na niya ito at agad nang tumakas patungong Hong Kong.

Noong Disyembre 1896, nang magsimula ang Himagsikan, bumuo siya ng isang lupong rebolusyonaryo na may layong tulungan ang mga Pilipino labanan ang mga Espanyol. Nakapagpadala ito ng pagkain, damit, at gamot sa mga rebolusyonaryo, ngunit ayon kay Esteban de Ocampo sa kanyang talambuhay ni Agoncillo, noong huling bahagi ng 1897 lamang ito nakapagpasok ng armas sa Pilipinas.

Sa isa pang sulat sa Archivo na may petsang 11 Abril 1897, sinabi ni Jacinto kay Nakpil na wala siyang alam ukol sa bali-balitang nakarating na ang mga armas mula Hong Kong. Matapos ang ilang buwan, noong Hulyo o Agosto, nakipagpulong silang dalawa kay Paciano Rizal sa Bai, Laguna.  Sa pangalawang araw ng pagdating ni Nakpil, naghanap sina Emilio Jacinto, Salvador Natividad, Buenaventura Dimagiba, at dalawa pang rebolusyonaryo ng lugar sa bandang Timog ng Luzon na mapagbababaan ng mga sandatang mula Hong Kong. Habang naglalakbay sila, nakasagupa nila ang mga Espanyol at naiwan ang sugatang si Jacinto. Sa kabutihang palad, nahuli si Jacinto ngunit pinawalan din dahil sa kanyang pekeng sedula.

Nakarating kaya ang mga sandatang binili sa Hong Kong? Mayroon nga ba talagang ugnayan si Nakpil at Agoncillo? Sayang at hindi na natin mababasa ang mga alaala ni Agoncillo dahil nasunog ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Samantala, hindi rin nabanggit ni Nakpil ang pangalan ni Agoncillo sa kanyang mga alaala.

Magandang lalo nating alamin ang mga koneksyon ng mga itinuturing nating bayani sa isa’t isa nang magkaroon tayo ng mas buong pagkakilala sa Himagsikang bumuo sa ating pagkabansa.

Liham ng Mataas na Sanggunian ng Hilagaan kay Francisco Sta. Ana, 10 Marso 1897 ARCHIVO GENERAL MILITAR DE MADRID, ESPANYA

Mga Sanggunian

Legajo 147 at legajo sin numero, Caja 5677, Archivo General Militar de Madrid

Alzona, Encarnacion, Julio Nakpil and the Philippine Revolution. Manila: heirs of Julio Nakpil, 1964.

De Ocampo, Esteban at Alfredo B. Saulo, The First Filipino Diplomat. Manila: National Historical Institute, 1977.