Bahagi ng maturity ng bansa ay ang pagkilala sa katotohanan na ang Pilipinas ay bansang may iba’t ibang wika, kultura, impluwensiya, paniniwala, karanasan, hilig, at interes. Lipas na ang panahon ng pagpilit sa isang monolitikong identidad. Sa halip na pag-isahin ang mga Pilipino, lumikha lamang ito ng di pagkakaintindihan. Nasa yugto na tayo ng ating pagkabansa kung saan ang lahat ay malayang ipakilala ang sarili sa nais na oryentasyon at iwinawaksi ang sisira sa diwa ng demokrasya tulad ng kalayaan sa pagsamba, paniniwalang politikal, at pagkakakilanlang kultural.

Malaking hakbang sa usaping pangkapayapaan ay ang iparamdam sa mga Pilipino na pinahahalagahan ng pamahalaan ang mahahalaga sa isang kultura. Kaya’t ikinatutuwa ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang pagkilala sa mga wikang katutubo bilang panturo sa paaralan. Tapos na ang madilim na kahapon kung saan kailangan parusahan ang bata dahil lamang nagsalita ito sa kaniyang sariling wikang katutubo sa loob ng silid-aralan, o ikinahihiya ng mga taga-probinsya ang pinagmulan. Sa larangan na lamang ng musika, saksi ang kasaysayan sa pag-usbong ng iba’t ibang awitin sa wikang bernakular. Ang mga mang-aawit mula sa probinsya ay nabibigyan na ng ibayong pansin.

Itinutulak ng mga kabataan ang turismo at creative industry sa bansa gamit ang kanilang kapangyarihang kontrolin ang social media at mamayani sa mga pagbabagong teknolohikal. Sila ang nangunguna sa pagtungo sa mga pook na dati’y di napapasyalan bunsod ng mga esteryotipikal na impormasyon. Taas-noo na nilang itinatato sa kanilang mga balat ang mga katutubong simbolo ng mga taga-Buscalan, Kalinga. Buong pagmamalaki na rin nilang inilalangkap sa kanilang kasuotan ang mga katutubong habi. Kaalinsabay din ng mga penomenong sosyal na ito ay ang pagpapayabong sa kasaysayang lokal.

Lahat ng ito ay bunga ng pagsisikap ng mga nauna sa atin. Silang nanalig sa kinabukasan na balang araw ay mamumulat ang mga Pilipino sa “samot-saring sarisarili ng pinaniniwalaan,” “lengguwaheng hindi… na naiintindihan,” “kinahihiligan,” at “hidwaang kailan pa kaya matutuldukan.” Sa kabila nito, pinatatatag tayo ng pinagsasaluhang pagkakakilanlan na tinatawag na “Pilipino.” Ito ang mensahe ng opisyal na awitin ng Ika-125 Anibersaryo ng Kalayaan at Pagkabansang Pilipino 2023-2026 na “Samot-Saring Iisa.” Ayon pa sa himig, “tayo ay iisa sa puso’t diwa, hinding-hindi magigiba; Taas-noo, kahit kanino, ang lahi ko ay Pilipino.”

Ganito namin iniuugnay ang paksang diwa ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023 na “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan” sa tema ng Buwan ng Kasaysayan 2023 na “Pagpapalaya ng Kasaysayan para sa Sambayanan” (Democratizing History for the People). Kailangang pakawalan ang mga datos ng kasaysayan upang maabot ng mga ordinaryong Pilipino. Sapagkat ang taumbayang malaya ang kasaysayan ay taumbayang nakapangyayari.

Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan!

EMMANUEL FRANCO CALAIRO
Tagapangulo