ni Jose Ruel Paguiligan, Senior Shrine Curator

Sa pagsiklab at paglaganap ng rebolusyon noong 1896, lubos na malaki ang naging epekto nito sa edukasyon. Naging dahilan ito upang magsara ang maraming paaralan sa bansa at nagbukas na lamang ang klase nang humupa na ang rebolusyon.

Noong ika-29 ng Agosto 1898, naglabas ng isang kautusan ang Kalihim ng Interyor sa mga gobernador ng bawat probinsya na muling buksan ang mga paaralan na tumigil sa kanilang operasyon.

Nang mailipat ang kabisera ng gobyerno rebolusyonaryo sa Malolos, sa bisa ng mga dekretong inilabas ni Emilio Aguinaldo, naitatag ang Universidad Literaria de Filipinas, Instituto Burgos at ang Academia Militar. Ginanap ang mga klase nito sa kumbento ng Simbahan ng Barasoain.

Larawan ng Kumbento ng Simbahan ng Barasoain

Universidad Literaria de Filipinas
Noong ika-19 ng Oktubre 1898, itinatag ang Universidad Literaria de Filipinas sa ilalim ng hurisdiksyon ng Secretaría de Fomento. Binubuo ang unibersidad ng apat na facultades (departamento): Derecho Administrativo (batas administratibo), Medicina at Cirujia (medisina at siruhano), Farmacia (parmasya) at ang Notariado (notaryo). 

“Icalima. Ang pamamahala sa loob ng Universidad Literaria de Filipinas ay tutunculin ng isang Profesor na nasa loob din ng claustro ó capisanan ng lahat nang Profesores nitong Universidad na pipiliin ng ayos sa minamatapat ng nasabing Claustro. At ang mamamahalang ito’y tatauagin Rector.” 

Sa pamamagitan ng rekomendasyon ni Felipe Buencamino, naitalaga bilang kauna-unahang rektor ng unibersidad si Dr. Joaquin Gonzales, isang Bulakenyo at isa sa mga delegado ng kongreso na kinatawan ang probinsya ng Pampanga habang si Mariano Crisostomo ang naatasang maging sekretarya-heneral.


Kaliwa: Litrato ni Joaquin Gonzales, inihalal bilang Rektor ng Unibersidad
Kanan: Litrato ni Mariano Crisostomo, Sekretarya-Heneral

Ang mga miyembro ng facultades ay ibibigay lamang sa may titulong Licenciado ó Doctor. Napili ang mga sumusunod na siya ring mga kinatawan ng kongreso at nakatakdang magpulong tatlong araw matapos ilabas ang kautusan.

  • Derecho Administrativo:
    Cayetano S. Arellano, Pedro A. Paterno, Arsenio Cruz-Herrera, Pablo Ocampo, Hipolito Magsalin, Tomas G. del Rosario at Felipe Calderon.
  • Medicina at Cirujia:
    Dr. Joaquin Gonzales, Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera, Dr. José Albert, Dr. Salvador del Rosario, Dr. Ariston Bautista, Dr. Ysidoro Santos, Licenciado Justo Lucban, Licenciado Jose Luna, Dr. Francisco Liongson.
  • Farmacia:
    Mariano V. del Rosario, Dr. Antonio Luna, Licenciado Leon Ma. Guerrero, Alejandro Albert, Enrique Perez, Manuel Zamora, Mariano Ocampo.
  • Notariado:
    Licenciado Aguedo Velarde, Arcadio del Rosario, Juan Gabriel Manday

Ang unang klase ng unibersidad ay nagsimula noong ika-10 ng Nobyembre 1898. Ngunit hindi nagtagal ang operasyon nito sa Malolos dahil kagyat nang uminit ang tensyon sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Inilipat ang kabisera ng gobyerno sa Tarlac at kasabay nito, inilipat din ang unibersidad sa kumbento ng simbahan ng Tarlac at nanungkulan bilang bagong rektor si Leon Ma. Guerrero. Ang una at huling seremonya ng pagtatapos ng mga mag-aaral ay naganap noong ika-29 ng Setyembre, 1899.

Kurikulum sa pag-aaral ng batas sa Universidad Literaria de Filipinas

Claustro ng mga Profesores sa ilalim ng pamumuno ng bagong rektor na si Leon Ma. Guerrero noong mailipat sa Tarlac ang kabisera ng gobyerno


Mga panandang pangkasaysayan na inilagay ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa mga pook kung saan pinairal ang klase ng Universidad Literaria de Filipinas
Kaliwa: Kumbento ng Simbahan ng Barasoain na matatagpuan sa Malolos, Bulacan
Kanan: Simbahan ng Tarlac kung saan ipinagpatuloy ang operasyon ng unibersidad matapos ilipat ang kabisera sa Tarlac

Instituto Burgos
Noong ika-24 ng Oktubre 1898, itinatag ang Instituto Burgos sa ilalim ng isang dekreto limang araw makalipas ang pagkakatatag ng Universidad Literaria de Filipinas. Ito ay isang sekundaryang paaralan para sa mga kalalakihan.

Ang mga mag-aaral na nagnanais pumasok sa paaralan, maging ang mga nanggaling sa pribadong sekundaryang paaralan ay kailangang magparehistro sa sekretarya-heneral ng Universidad Literaria de Filipinas. Nagsilbing direktor ng paaralan si Enrique Mendiola at ang kanyang pamumuno ay aprubado ng Director de Instruccíon de Pública.

Ilan sa mga asignatura sa loob ng sekundaryang edukasyon ay ang mga sumusunod: Balarila ng Latin na tumatalakay sa analohiya, sintaks at prosodi ng ortograpiyang Latin, pangkalahatan at partikular na kasaysayan ng Pilipinas, panitikang Kastila, aritmetika at alhebra, heometriya at trigonometriko, wikang Pranses at wikang Ingles, natural history, pisika, kimikang heneral, pilosopiya at natural law.

Kinakailangan maipasa ang aritmetika at alhebra upang makuha ang kasunod na heometriya at trigonometriko, gayundin sa heograpiya bago pag-aralan ang pangkalahatan at partikular na kasaysayan ng Pilipinas maging sa wikang Latin bago wikang Pranses at panghuli ay ang wikang Ingles.

Ang mga mag-aaral na makakakuha ng markang akademikong sobresaliente o notable ay magkakaroon ng titulong batsilyer na ipagkakaloob ng Secretaria de Fomento. Katulad ng sinapit ng Universidad Literaria de Filipinas, inilipat ang mga klase ng Instituto Burgos sa kumbento ng simbahan ng Tarlac matapos makubkob ang Malolos ng mga Amerikano.

Academia Militar
Kabilang sa mga itinatag na institusyong pang-edukasyon ay ang kauna-unahang paaralang militar sa Malolos, Bulacan. Noong ika-25 ng Oktubre 1898, sinimulan ang Academia Militar sa pamamagitan ng isang dekreto ni Emilio Aguinaldo. Ang pagtatatag ng paaralan ay alinsunod sa rekomendasyon ni Heneral Antonio Luna na magkaroon ang mga Pilipino ng sapat na pagsasanay at karanasan sa militar. Napili si Manuel Sityar bilang direktor. Si Sityar ay isang mestizo at isang miyembro ng Kastilang guwardiya sibil. Ang Academia Militar ang nagsilbing institusyon na humuhubog at nagsasanay sa mga magiging opisyal at kasapi ng hukbong sandatahang lakas ng bansa.

Larawan ni Manuel Sityar, Direktor ng Academia Militar

Nagsimula ang unang klase noong ika-1 ng Nobyembre 1898. Nahati sa dalawang bahagi ang klase. Isa para sa mga posisyon ng koronel at komandante habang ang isa ay para sa mga kapitan pababa. Ito ay binubuo ng mga kurso sa kasalukuyang regulasyon, garison, penal na batas, aritmetika, heograpiya at pagbasa ng mga mapa. Ang mga mag-aaral na nakapagtapos ay naging opisyal ng hukbo.

Tumigil sa operasyon ang Academia Militar noong ika-20 ng Enero ng taong 1899 dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Ang pagsasanay ng militar ay ipinagkatiwala sa mga komandante. Matapos ang labinlimang araw, sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano.

Kasalukuyan, sa bisa ng Proclamation No. 35 s. 1998, kinilala ang Academia Militar na siyang pinagmulan ng kasalukuyang Philippine Military Academy (PMA).

May panahon na ang mga mag-aaral sa kanilang unang taon sa PMA ay bumibisita sa Museo ng Republika ng 1899, Pook Pangkasaysayang Simbahan ng Barasoain tanda ng kanilang pagkilala na dito nagsimula ang kanilang paaralan.

Hindi man nagtagal ang kanilang mga operasyon, malaki ang naiambag ng mga institusyong ito, na sinimulan ng gobyernong rebolusyunaryo. Hindi nasayang ang pagpupunla ng kaunlaran ng edukasyon at pagsusumikap na ipakita sa mundo, na ang Pilipinas ay may kakayahang lumikha ng tadhana nito bilang isang bansang nagsasarili.

Sanggunian:

The Laws of the First Philippine Republic, S. Guevara, 1995

Proclamation No. 35 s. 1998. https://www.officialgazette.gov.ph/1998/10/13/proclamation-no-35-s-1998/

Farolan, Ramon (2021) PMA Foundation Day. https://opinion.inquirer.net/145587/pma-foundation-day

History, Traditions and General information. https://www.pma.edu.ph/about.php

Manuel Sityar the Guardia Civil Defector. https://www.philippinemasonry.org/the-katipunan-and-masonry.html

Historical Perspective of the Philippine Educational System. https://www.deped.gov.ph/about-deped/history/

NHCP Marker: Katedral ng Tarlac

NHCP Marker: Kalye Mendiola

NHCP Marker: Philippine Military Academy