MALOLOS, BULACAN ─ Ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP) sa pamumuno ng kanilang Tagapangulo Dr. Emmanuel Franco Calairo at sa pakikipagtulungan ng Panlalawigang Pamahalaan ng Bulacan at Pamahalaang Lungsod ng Malolos ay pangungunahan ang komemorasyon para sa ika-125 na anibersaryo ng Kongreso ng Malolos sa Pook Pangkasaysayang Simbahan ng Barasoain, Lungsod ng Malolos, Bulacan sa 15 Setyembre 2023, Biyernes, 8:00 ng umaga. Ang tema ng pagdiriwang ay ‘Kongreso ng Malolos- Saligan sa Pagsulong ng Nagbabagong Panahon.’
Sa unang bahagi ng programa, sasalubungin ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ang panauhing pandangal at susundan ito ng pagtataas ng watawat sa saliw ng Hiyas ng Bulacan Provincial Band, bilang panimula ng ikalawang bahagi. Kasunod ay ang panunumpa ng katapatan sa watawat at pag-aalay ng bulaklak na pangungunahan ni Senador Loren Legarda at sasamahan nina Punong Lalawigan ng Bulacan Daniel R. Fernando at PNP Regional Director – Rehiyon III PBGen Jose S. Hidalgo Jr. Samantala sasaksihan naman ito nina Tagapangulo Calairo at Pangalawang Punong Lalawigan ng Bulacan Alexis C. Castro. Kasama rin sina Punong Lungsod Christian D. Natividad, Pangalawang Punong Lungsod Alberto T. Bautista ng Malolos, Obispo Dennis C. Villarojo, D.D. ng Diyosesis ng Malolos at Kura Paroko Reb. Padre Domingo M. Salonga ng Parokya ng Nuestra Senora del Carmen ng Barasoain.
Isang panalangin ang hudyat ng ikatlong bahagi ng programa sa pamumuno ni Obispo Villarojo. Ang pambungad na pananalita ay ihahatid ni Punong Lungsod Natividad at kasunod nito ang mensahe ni Tagapangulo Calairo. Matapos ay ipakikilala ni Punong Lalawigan Fernando ang panauhing pandangal na si Senador Legarda upang magbabahagi ng pananalita. Sa pagtatapos ng programa, maglilibot ang mga panauhin sa Museo ng Republika ng 1899.
Nagtipon-tipon sa Barasoain noong 15 Setyembre 1898 ang mga kinatawan ng iba’t ibang lalawigan – karamihan ay hinalal habang ilan ay itinalaga–upang magbalangkas ng mga batas na gagabay sa pagbuo ng Republikang Pilipino. Pinagtibay nila ang proklamasyon ng kalayaan na ginawa sa Kawit noong 12 Hunyo 1898 at sa Bacoor noong 1 Agosto 1898. Sumulat din sila ng Saligang Batas na nagluwal sa isang konstitusyonal at demokratikong republika noong 23 Enero 1899.
Ang NHCP ay pambansang sangay ng pamahalaan na naatasan sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga pambansang pamana sa pamamagitan ng saliksik, lathala, heraldiko, konserbasyon, pagtatakda sa mga makasaysayang pook at istruktura, at pangangasiwa ng mga pambansang dambana at museo.
###