ni Alexander E. Aguinaldo
Shrine Curator II
Museo ni Marcelo H. del Pilar

“Anong pagkahirap-hirap nga naman nitong malayo sa pamilya. Ngunit hindi na malalaon at ako’y makauuwi na marahil, kahihingi kayo ng tulong sa Diyos na ako’y mapanuto sa aking linalakaran.” Ito ang isinulat ni Marcelo H. del Pilar noong ika-20 ng Marso 1889 sa kaniyang maybahay na si Marciana del Pilar, o Tsanay kung kaniyang tawagin, matapos ang halos tatlong buwan pa lamang na paglalagi sa Espanya.

127 taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang kinikilalang dakilang propagandista at ama ng pamamahayag sa Pilipinas. Sa kabila ng kaniyang kadakilaa’y balot ng hirap at sakripisyo ang pinagdaanan habang siya’y malayo sa pamilya. Sa pagbabalik-tanaw ng kaniyang huling pitong taon sa Espanya, narito ang kaniyang mga liham sa kaniyang maybahay na tiyak ay magbibigay alaala sa malungkot na bahagi ng buhay ni Marcelo H. del Pilar.

Sa tulong ng kanyang mga kaibigang bumubuo sa Comite de Propaganda, ang 38 gulang na si Marcelo ay naitakas sa Pilipinas noong Oktubre 28, 1888 patungong Hong Kong at mula rito’y patungong Espanya, upang maiwasan ang pagkakadakip at pagkabilanggo na dulot ng kanyang paninindigan laban sa mga prayle. Naiwan sa Pilipinas ang kaniyang dalawang anak at kabiyak, na sa huling pagkakatao’y hiniling niyang huwag sumama sa paghatid sa kaniya upang hindi niya makita ang paghihinagpis. Kung maibabalik lamang ng pagkakatao’y nakapag-iwan sana ng yakap at halik, yaong ito na rin ang kaniyang huling pagkakataon na makasama ang kanyang minamahal na pamilya.

Matapos ang mahigit sa dalawang buwang paglalakbay, dumating si Marcelo sa Barcelona, Espanya noong unang araw ng Enero 1889, na nagtatakda ng simula ng bagong taon. Siya ay sinalubong ng kaniyang kababayan na si Mariano Ponce, na tubong Baliwag, Bulacan, at agad na ipinasok bilang miyembro ng bagong tatag na samahan—ang La Solidaridad. Sa simula, hangad lamang ni Plaridel na maglagi ng isang taon sa Espanya dala ang pag-asang kilalanin ng awtoridad ng Espanya ang inaasam na reporma. Gayunman, umabot ang kanyang paglalagi ng pitong taon, na puno ng pagdurusang kalooban at kalungkutan, na mababanaag sa mga liham na kanyang sinulat sa kanyang asawa.

Ang nag-uumapaw na pagmamahal sa kaniyang pamilya ang nagsisilbing lakas ni Marcelo sa bawat taong lumilipas na siya’y malayo sa tahanan. Siyam na taong gulang pa lamang si Sofia, ang panganay na anak ni Marcelo nang siya’y lumisan. Ang kaniyang bunso na si Anita ay mahigit isang taong gulang pa lamang at wala pang kamuwang-muwang sa kinalalagyan ng kaniyang ama. Ngunit hindi man pinalad na personal na masubaybayan ang paglaki ang kaniyang mga anak, hindi siya nagkulang sa pagpapaalala at pagtatangi sa dalawa at sa dulo ng bawat liham kay Tsanay, kaniyang sinasambit ang mga katagang “Ihalik mo ako kina Sofia at Anita.”

“Si Sofia ay magsikap ng ikatututo…kung siya’y matuto ay kagalingan niya, kung hindi siya matuto ay siya ang pangit sa mata ng madla, kaya huwag paparis sa ibang bata na kung di pa pilitin, kung di pa parusahan ng maestra, ay hindi asikaso ang sariling kagalingan.” (16 Mayo 1889)

“…nakapawi ng malaking kalumbayan ko ang pagkatantong wala kayong sakuna at si Anita ay ligtas sa sakit… Salamat sa Diyos! Kahimanawari ay maitagpos ko rin ang pakay ko rine at nang tayo’y magkita na…. Ihalik mo ako kay Sofia at kay Anita.” (30 Mayo 1889)

“…ipinapaalala ko sa iyong si Sofia ay Agosto kung magkasakit nang mabigat, mag-iingat siya. Kahimanawari ay makaligtas siya ngayon para ng pagkaligtas sa nangagdaang-taong hindi siya nagkakasakit.” (12 Hunyo 1889)

“Sabihin mo kay Anitang di na ako malalaon dine. Magpakabait siya, huwag magkakain ng makasisira at ng datnan siya ng tatay n amalakas, mataba, at walang damdam.” (9 Hulyo 1890)

“Si Sofia ay magsanay sa gawa ng babae, mag-aral, at magbabangong maaga, huwag paabot sa sikat ng araw sa banig at nang huwag maging masasakitin. Sabihin mo kay Anitang parine siya’t sunduin ang kaniyang tatay.” (8 Hulyo 1891)

Pagdating sa Espanya, hindi nag-atubili sa pagsusumikap si Marcelo na agarang isulong ang reporma. Bagamat buo ang loob at aktibo sa kilusan, naroon pa rin ang matinding pangungulila sa pamilya na bahagyang naiibsan sa mga liham na ipinadadala ng kaniyang kabiyak.

“…tinanggap ko rin naman ng malaking tuwa ang retrato ninyong mag-iina. Malaki na si Sofia, ngunit ang kay Anita ay hindi lubhang kamukha. Salamat sa Diyos at kinaaawaan tayong pagkalooban ng buhay at lakas sa gitna ng ating pagdaralita. Hindi na maglalaon at magkikita tayo, tila napapaanyo ang adhika ng lahat ay malapit na akong makauwi.” (2 Mayo 1889)

“Malaking galak ang naghari sa akin nang matanggap ko ang retrato ng tatlong malilikot. Ang mata ni Anita ay buhay na buhay, tila nangungusap, oras-oras ay siya ko na lamang sinasalamin at sa pagtulog ko’y siya ko na lamang napapangarap na tila ako nauwi na riyan at kalong ko si Anita… Kailan pa susulat si Sofia sa kaniyang Tatay?” (26 Nobyembre 1889)

Isang taon lamang ang inaasahang paglalagi ni Marcelo sa Espanya. Nang kaniyang halinhinan si Graciano Lopez-Jaena bilang patnugot ng pahayagang La Solidaridad, mas nagsumikap si Marcelo na buksan ang isip at puso ng awtoridad na Espanyol gamit ang makabayang peryodiko na naglalaman ng mga suliranin at hinaing ng mga Pilipino sa ilalim ng kolonya. Upang mas mailapit sa mga samaha’t lupon ng mga politiko, inilipat ni Marcelo ang himpilan ng pahayagan mula sa Barcelona patungong Madrid. Sa pagsusumikap ng kilusan, nakakuha sila ng suporta sa ilang diputadong Espanyol na nangakong tutulungang makamtan ang kanilang reporma. Kaakibat nito ang pag-asang makabalik sa Pilipinas at muling makapiling ang pamilya.

“Gabi-gabi ay parati kong panaginip ay kayo nina Sofia at Anita… Harap na kayo riyan sa pagtatag-init, pagkaiingatan sila sa bulutong. Hindi na malalaon at kaipala’y magkikita na tayo: kung di magkakaroon ng kapansanan at may mapag-iiwan ako nitong Soli, ay magsasasalo na tayo sa Paskong darating. Kahimanawari ay huwag magkakasakuna!” (6 Enero 1890)

“Ibig ko nang umuwi sa taong ito, sa buwan ng Nobyembre, kung walang kapansanan.” (4 Pebrero 1890)

“Ibig ko sanang umuwi riyan sa loob ng Pebrero o Marsong papasok… Sabik na sabik na ako sa inyong mag-iina.” (10 Disyembre 1890)

“Napapanaginip kong palagi si Anita, tila parati kong naririnig ang salita ng batang iyan. Hindi na malalaon at makakalga ko siya.” (22 Enero 1891) 

“Anong pagkalungkot nitong malayo sa pamilya, yamang di mahagkan si Anita’t si Sofia ay nakikihalik na lamang ako sa balang batang makita ko.” (4 Pebrero 1891) 

“Inip na inip lamang ako ritong di ko ikauwi. Sabik na sabik na ako sa inyong mag-iina, kaya’t nanlalabo na ang retrato ninyo katatangan ko at kamamasid sa inyo.” (18 Pebrero 1891)

“Ikaw at si Anita ay parati kong napapanimdim. Ako’y uhaw na uhaw na sa halik ng mga anak ko. Datapwa hindi na malaon at magkikita tayo.” (28 Abril 1891)

“Naunawa ko ang sulat ni Anita. Mabuti na palang susulat ang ineng ko. Huwag siyang maiinip at darating na ako, uuwian ko siya ng laruan at kakanin.” (29 Abril 1891)

Lumipas ang dalawang taong paglalagi at hindi pa rin naisasakatuparan ang kanilang mga hinaing. Naroon pa rin ang paghahangad ni Marcelo na humupa ang banta sa kaniya upang siya ay makabalik na sa Pilipinas. Ngunit pinigilan ito ng kakapusan ng salapi na magagamit pag-uwi at nahirapan ang kilusan sa pagpili ng hahalinhin kay Plaridel bilang patnugot ng pahayagan.

“Kung nauwi na sana ako ay nagkasalo-salo na tayo nitong Paskong ito, ngunit hindi nangyari, kaya inaasam-asam ko na lamang dine sa malayo ang pagkakatipon niyo.” (7 Enero 1891)

“Inip na inip lamang ako ritong di ko ikauwi: sabik na sabik na ako sa inyong mag-iina, kaya’t nanlalabo na ang retrato ninyo katatangan ko at kamamasid sa inyo.” (18 Pebrero 1891)

“Ako ma’y naghihinagpis nang Malaki kong magugunita ang pangungulila sa akin ng mga bata, at ito’y araw-araw, oras-oras ay siya na lamang gumigiit sa isip ko. Tila mandin ang pangungulila ko ang lalong mapanglaw. Ngunit Labis ang pag-asa ko sa awa ng Diyos. Pinapagtiis man tayo ngayon ay lalong malaking Ligaya ang ating tatamuhin pagkikita natin.” (17 Agosto 1891) 

“Sa banta ko’y darating ako riyan bago magtag-ulan. Tila ang Mabuti ay sa Maynila na tayo magtira kung sakali at nang matahimik na ang buhay ko. Sa probinsiya ay panganib na totoo.” (11 Nobyembre 1891)

Bukod sa mga balita ng pagkalat ng sakit na kolera, lubhang nag-aalala si Marcelo nang mabatid niya ang nakababahalang balita ng pagkasunog ng kanilang tahanan noong 1890. Ang pangyayaring ito ang siyang mas nagpahirap kay Tsanay na makapagpadala ng salapi kay Marcelo na maaaring magamit na pamasahe pabalik ng Pilipinas.

Malaki ang lumbay na kinamtan ko nang ibalita sa akin ni Modesto Reyes na taga-Santa Cruz a nasunog o sinunog ang ating bahay, tumelegrama ako kay Naning sa Barcelona ay totoo nga raw, datapwa’t ang sulat ng Ka Dato ay walang sinasabing bagay sa sunog, kaya’t ang panimdim ko’y lalong nag-ulol, at nasapnan pa ng di mo pagsulat. Salamat at sa ikatlong sulat ng Ka Dato ay ipinaliwanag sa akin ang nangyari, at walang naano sa inyo ng mga Ka Teang at mga bata at iba pang kasambahay… Ang lalo kong ipagwawalang-bahala sa pagkasunog ng ating bahay ay kung sa ningas ng apoy na yao’y namulat sana ang nangapikit pang mata ng ibang kababayan. Hindi rin kaya?” (15 Abril 1890)

“Inaalala kong baka nagkakasakit ka ng mabigat o ang mga bata, sapagkat inaakala kong kung gayon ay hindi mo maipauubayang sa ganiring pagkalayo ko sa inyo ay hindi ako makatanggap ng balitang buhat sa iyo. Kung nakikita mo ang panlulumo ko tuwing darating ang koreong wala kang sulat ay mahahabag ka rin sa akin.” (28 Mayo 1890)

Ang paghihirap na natamo ng kaniyang pamilya dahil sa pagkakasunog ng tahanan sa Bulacan ay unti-unting humantong sa kakapusan ng salaping naipapadala ni Tsanay kay Marcelo. Nabaon sa utang si Marcelo sa Espanya at naiisipan na niyang humingi ng tulong sa mga kamag-anakan sa Pilipinas at mga kaibigan sa Espanya.

Larawan mula sa Leon Gallery na nagpapakita ng liham ni Marcelo sa kaniyang maybahay na si Tsanay noong ika-17 ng Agosto 1892.

“Sa pautang-utang na lamang ang ikinabubuhay ko, at sa di ko pagkatanggap ng salapi sa koreong ito ay nadagdagan ang aking pagdaralita….Nakikita nila’t ako’y pinababayaan na ng marami. Ako ang natataya sa kahihiyan rine, ang kakanin ko lamang ay dinidilihensiya ko araw-araw. Nakarating na ako sa mamulot ng beha ng sigarilyo makahithit lamang. Hindi ko hinahanap na ako’y pagyamanin nila rine. Ang hiling ko lamang ay tulungan nila akong makauwi riyan at nang ako’y makapaghanapbuhay. Dine ay walang paghahanap ng masusuotan, liban na sa pumasok na alila. Datapwa’t matanda na ako kung ngayon ko sisimulan ang pagpapaalila.” (17 Agosto 1892)

“Ako’y pinamimitiwanan na ng nagsisitulong sa akin, ay wala akong tinutungo rine kung di mamatay ng gutom.” (14 Setyembre 1892)

“Sa banta ko’y magaling ka na pagdating ko riyan, na hindi malalaon. Kung pinadalhan ako ng pasahe niyong ako’y humihingi, ay hindi na sana sulat ang tatanggapin mo ngayon. Ako na sana ang dumating diyan.” (3 Pebrero 1892)

“Gabi-gabi ay napapanaginip ko na nag-aagawan sa kandungan ko si Sofia at si Anita. Iyan na lamang ang Ligaya ko, ngunit agad napapawi pagkagising ko.” (17 Pebrero 1892)

“Salamat sa sabi mong ako’y umuwi na kung walang panganib diyan. Sa banta ko’y maluwag na ngayon diyan.” (17 Marso 1892)

“Ikapat na taon na itong lumalakad ng pagmamalasakit ko sa ating bayan. Panahon na namang makita ang aking mga anak.” (30 Marso 1892)

“Wala na akong ibang nais kung di ang magkikita na tayo. Hindi na sasala sa taong ito, sapagkat pangako ng Ka Dato na ako’y padadalhan ng mababaon sa pagbalik.” (11 Mayo 1892)

“Si Ineng ay hindi ko na nabalitaan. Mamamatay yata ako’y di na makikita ni Anita. Kahimanawari pagkaluwagan ako ng mga kamag-anak na padalhan ng mababaon sa pag-uwi. Hindi kita mahili sa bagay na ito’t talastas ko ang iyong pagsasalat.” (18 Enero 1893)

“Totoong hindi ko malimut-limutan ang padalang piso sa akin ni Anita… Nagpuputok ang dibdib ko tuwing gugunitain ang pagsasalat ninyong mag-iina riyan, kaya Malaki ang nais kong mauwi na’t nang maganap ko naman ang pagkakalinga sa mga kapilas niring buhay.” (24 Mayo 1893)

Sa tulong ng mga kamag-anak at kaibigan ni Marcelo sa Pilipinas, at sa pagsusumikap ng kaniyang maybahay na makapag-ipon ng salapi para sa kaniyang pag-uwi, nakapagpadala si Tsanay ng salaping sasapat upang makabalik na ng Pilipinas si Marcelo. Pansamantala muna niya itong itinabi at nang magamit sa tamang pagkakataon. Bagamat gustuhin man niyang makabalik na ng Pilipinas si Marcelo, naroon pa rin ang takot ni Tsanay sa maaaring kahantungan ng kaniyang asawa pagkabalik ng Pilipinas.

“Sa mamatay sa patalim at mamatay sa gutom, ay mabuting makalilibo ang mamatay sa patalim.” (15 Marso 1893)

“…nanlulumo ako sa paghihikahos at dalitang aking tinatawid. Gayon man ay hindi ko ginagalaw ang salaping padala ninyong baon ko sa pag-uwi. Ano pa’t maaasahan mong nakatayong parati ang tulay ko sa pagbalik diyan.” (3 Enero 1894)

“Kailan ko pa kaya mapapaghahagkan ang mga kapilas nitong aking kaluluwa? Sa banta ko’y di na maluluwatan, sapagkat bagaman hindi pa lutas ang nilalakad ko, at sa karamihan ng nagsisiurong diyan, ay dapat na namang ako ay lumigpit.” (17 Enero 1894)

Handa na sa pag-uwi ng Pilipinas si Marcelo ngunit hindi pa rin niya maiwan ang kilusan at pahayagan. Nagkataong panahon din ng pagsisimula ng paghaharap sa Cortes ng ukol sa diputacion ng Pilipinas at minabuti ni Marcelo na hintayin ang kahahantungan nito. Dumagdag pa sa pasanin niya ang hindi maayos na kalusugan at pagkakasakit ng dengue na nagpahina sa kaniya ng ilang araw. Dahilan rin ito upang hindi agad makasulat si Marcelo sa kaniyang asawa.

“Araw-araw ay nakagayak ako sa pagbalik diyan. Hindi malalaon at magkikita tayo. Huhusayin ko lamang muna ang mga papeles dine at nang wala na akong inaalala kung naririyan na.” (18 Hulyo 1894)

Nang magtapos ang pahayagang La Solidaridad noong Nobyembre 1895 dahil sa kakulangan ng sustento, hinikayat si Marcelo ng kaniyang mga kasamahan na tumungo ng Hong Kong, na noo’y sakop ng mga Ingles, upang doo’y lumagay dahil lubhang mapanganib pa rin ang pag-uwi sa Pilipinas. Pebrero ng taong 1896 nang lumipat si Marcelo sa Barcelona upang doo’y sumakay ng isang bapor patungong Hong Kong at dumalo sa isang pagpupulong ng Junta de Propaganda ngunit pinigilan ito ng kaniyang pagkakasakit at nanatili sa Barcelona hanggang sa siya’y pumanaw noong ika-4 ng Hulyo 1896. Ang tuberkulosis ay siyang lubhang nagpahirap kay Marcelo sa kaniyang mga huling sandali sa Espanya. Nakahimlay ang 45 taong gulang na si Marcelo sa isang libingan gawing kanluran ng rehiyong Cataluña sa Espanya.

Magkahalong kasiyahan at pagkalungkot ang tiyak na aantig sa sinumang makababasa ng natitirang 104 na liham ni Marcelo sa kaniyang asawa. Ito marahil ang dahilan kung bakit nag-uumapaw ang galit ng mga prayle kay Plaridel dahil sa kaniyang angking talento sa pagpukaw ng damdamin ng mga bumabasa ng kaniyang mga sulatin. At marahil, kung siya’y nabuhay nang mas mahabang panahon, hawak niya ang mas malaking pagkilala sa larangan ng panitikan sa Pilipinas.

Ang pagnanais ni Marcelo na paglingkuran ang kapakanan ng kapwa Pilipino ay may kapalit na sakripisyo at responsibilidad sa pamilya. Bagamat mararamdaman sa mga liham niya ang malalim na pagmamahal sa kaniyang pamilya, naroon din ang pagnanais niyang paglingkuran ang kapakanan ng bayan. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit hindi agad makabalik ng Pilipinas si Marcelo dahil sa pag-asang maitaguyod ang kilusang magpapabago sa takbo ng lipunan.

Nang piliin ni Marcelo na mawalay sa kanyang pamilya upang paglingkuran ang bayan, nagpakita ito ng tunay na dedikasyon at pagmamahal, sa mamamayang Pilipino. At sa kaniyang mga liham, mababanaag ang isang dakilang nilalang na hinamak ang sarili dahil higit na pinahalagahan niya ang kinabukasan ng kaniyang pamilya at bayan.

Bagamat hindi naging matagumpay ang kilusan sa pagsusulong ng reporma, ang iniwang alaala ni Marcelo ay naging inspirasyon sa marami. Hinubog nito ang damdaming nasyonalista at humantong sa pagsisimula ng Himagsikang Pilipino. Ang kalayaang ipinagkait kay Marcelo ay kaniya naming inialay sa sambayanan. Ito ang kaniyang pamana sa sinilangang bayan.

Narito ang larawang nailathala sa Philippine Free Press noong ika-31 ng Agosto, 1929 kung saan makikita sina: (mula sa kaliwa)

  1. Padre Vicente Marasigan, apo ni Plaridel
  2. Leticia Marasigan Balagtas, apo ni Plaridel
  3. Doña Marciana “Tsanay” H. Del Pilar, ang balo ni Plaridel
  4. Antonia Marasigan Gadi, apo ni Plaridel
  5. Sofia H. Del Pilar, ang panganay na anak ni Plaridel
  6. Marcelo Marasigan, apo ni Plaridel
  7. Anita H. Del Pilar, ang bunsong anak ni Plaridel at ina nila Vicente, Leticia, Antonia, Marcelo, Josefina at Benita Marasigan
  8. Josefina Marasigan, apo ni Plaridel
  9. Benita Marasigan Santos, apo ni Plaridel

 

Larawan mula sa Museo ni Marcelo H. del Pilar sa San Nicolas, Bulakan, Bulacan kung saan tampok ang iskulturang kahoy nina Marcelo H. del Pilar (nakaupo habang ginugunita ang pamilya sa Pilipinas mula sa Espanya) at ang kaniyang bunsong anak na si Anita (nakadungaw sa bintanang Capiz habang hinihintay na makauwi ang kaniyang ama).

 

MGA SANGGUNIAN:

Epistolario de Marcelo H. del Pilar Tomo II, Imprenta del Gobierno, Manila, 1959

Epifanio de los Santos, Marcelo H. del Pilar, The Philippine Review, 1920

Magno S. Gatmaitan, Marcelo H. del Pilar 1850-1896, Munoz Press, Quezon City, 1966

Antonio B. Valeriano, Marcelo H. del Pilar, Ang Kaniyang Buhay, Diwa at Panulat, Reyvil Bulakeña Press, Malolos, 1984