Lungsod ng Cebu, 3 Abril 2023
Ako’y nagagalak at nagpapasalamat sa paglahok ng Cebu sa pagdiriwang ng bansa sa 125th Anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023-2026 o PH125. Bagaman ang pagdiriwang ay magsisimula pa lamang sa ika-12 ng Hunyo 2023 o sa Araw ng Kalayaan, minarapat ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na isama sa opisyal na kalendaryo ng PH125 ang Tres de Abril.
Noong ika-3 ng Abril 1898, unang dumagundong ang sigaw ng kalayaan sa Cebu, ang pook kung saan ang kolonyalismong Espanyol ay ipinunla noong 1565. Tinatawag man itong Tres de Abril, ang pangyayaring ito ay maihahalintulad sa Sigaw sa Balintawak na siyang pormal na pagsisimula sa Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896.
Mahalaga ang Tres de Abril upang bigyang-diin na ang diwa ng pagkabansa ay hindi lamang eksklusibo sa mga taga-Maynila at mga Tagalog. Ang diwang ito ay kumalat sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, tulad ng Cebu. Nagkataon ding dito sa Cebu ipinunla ang diwang ito ng inyong dakilang bayaning si Leon Kilat, habang nasa pagkakapatapon ang mga pinuno ng himagsikan tulad ni Emilio Aguinaldo sa Hong Kong. Samakatuwid, ang pagkilos ng mga Cebuano sa araw na ito, isandaan at dawampu’t limang taon na ang nakalilipas, ay patunay na ang mga Cebuano ay hindi pahuhuli sa pakikiambag sa kalayaan at pagkabansang Pilipino, lalo pa’t wala sa Pilipinas si Aguinaldo.
Inakala ng mga Espanyol na limitado lamang sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ang paghihimagsik laban sa Espanya. Laking gulat ng mga awtoridad na Espanyol sa Cebu nang makuha ng mga rebolusyonaryong Cebuano ang lungsod habang nagkulong sa loob ng Fort San Pedro ang mga opisyal na Espanyol. Ito ang kauna-unahang malawakang paglaban ng mga Cebuano sa mga Espanyol pagkaraan ng Labanan sa Mactan noong 1521 sa pamumuno ni Lapulapu at paggiit ni Dagami sa kalayaan ng ating mga ninuno sa Cebu noong 1565.
Gayong panandalian lamang ang tagumpay ng ating mga bayani sa Cebu na nauwi pa sa pagpaslang kay Leon Kilat, manunumbalik muli ang mga Cebuano sa pagsuporta sa proyekto ng pagpapalaya sa Pilipinas at pagtatatag ng isang republika. Tuluyang bumagsak ang pamahalaang Espanyol sa Cebu noong 29 Disyembre 1898 at nakuha ng mga Cebuano ang Fort San Pedro. Kaya’t hindi ito ang huling beses na tutungo ang NHCP sa Cebu. Magkikita-kita pa po tayo sa Disyembre 2023 upang gunitian ang Paglaya ng Cebu.
Ako po’y nagpapasalamat sa Pamahalaang Lungsod ng Cebu dahil sa walang humpay na suporta sa mga proyekto at programa ng NHCP. Kung hindi po ninyo maitatanong, dito sa Cebu, partikular sa Fort San Pedro, inilunsad ang PH125 noong Agosto 2022. Nakakataba rin ng puso na nakapiling namin sa Kawit, Cavite noong ika-4 ng Marso 2023 ang iginagalang na Konsehal ng Lungsod na Cebu Dondon Hontiveros. Siya ay lumahok sa 100-Day Countdown to PH125. Tunay na dito sa Lungsod ng Cebu ang Pilipino ay bida. Nawa’y manatiling tanglaw ang Cebu ng kalayaan at pagkabansang Pilipino.
Maraming salamat po.