25 Marso 2023, Lungsod ng Candon, Ilocos Sur
Mga kababayang Ilokano, ako po’y lubos na nagpapasalamat sa inyong pakikilahok sa pagdiriwang ng bansa sa 125th Anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023-2026 o PH125. Bagaman ang pagdiriwang ay magsisimula pa lamang sa ika-12 ng Hunyo 2023 o sa Araw ng Kalayaan, minarapat ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na isama sa opisyal na kalendaryo ng PH125 ang Ikiis ti Candon. Noong ika-25 ng Marso 1898, unang dumagundong ang sigaw ng kalayaan sa Hilagang Luzon. Tinawag itong Ikkis ti Candon o Sigaw sa Candon. Mahalaga ang pangyayaring ito bilang pagbibigay-diin na ang diwa ng pagkabansa ay hindi lamang eksklusibo sa mga taga-Maynila at mga Tagalog. Ang diwang ito ay kumalat sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, tulad ng Ilocos. Nagkataon ding dito sa Candon ipinunla ang diwang ito ng inyong dakilang anak na si Isabelo Abaya habang nasa pagkakapatapon ang mga pinuno ng himagsikan tulad ni Emilio Aguinaldo sa Hong Kong. Samakatuwid, ang pagdedeklara ng kalayaan dito sa Candon sa araw na ito, isandaan at dawampu’t limang taon na ang nakalilipas, ay patunay na ang mga Ilokano ay hindi pahuhuli sa pakikiambag sa kalayaan at pagkabansang Pilipino, lalo pa’t wala sa Pilipinas si Aguinaldo.
Taong 2016 nang hawiin namin ang tabing ng tatlong panandang pangkasaysayan dito sa Candon para kay Abaya, sa Ikiis ti Candon, at Simbahan ng Candon. Ang unang panandang pangkasaysayan ay pagkilala sa alaala ng batang pinuno ng Sigaw sa Candon, si Isabelo Abaya; ang pangalawang panandang pangkasaysayan ay paggunita sa Sigaw sa Candon; at ang panghuling panandang pangkasaysayan ay para sa Simbahan ng Candon, na maihahanay sa mahahalagang makasaysayang pook sa Pilipinas bilang pook kung saan ipinahayag ni Abaya ang kalayaan.
Gayong iilang bayan lamang ng Ilocos Sur ang nakiisa, tinamasa ng mga Ilokano sa Candon kahit isang araw lang ang buhay na malaya at nagsasarili. Sa Simbahan ng Candon itinatag ang isang republika, na bagaman limitado lamang sa Candon, ito’y buong pagmamalaking pinangalanang Republica Filipina Katipunan, na ang mga sagisag at ang watawat ay hango sa mga simbolo ng Katipunan. Para kay Abaya at sa mga Ilokanong sumuporta sa rebolusyon, ang diwa ng katipunan ni Andres Bonifacio at ang alaala ng Republika ng Pilipinas sa Biak-na-Bato ay buhay dito sa bayan ng Candon. Kaya’t panahon na upang itanghal ang naging papel ng inyong mga ninuno at bayan para isigaw sa buong mundo ang soberanya ng bayang Pilipino.
Marapat din pong mabatid na hindi ito ang huling pagkakataon na tutungo ang NHCP sa Candon. Magkikita-kita pa po tayo sa Nobyembre 2024 upang pasinayaan ang isang panandang pangkasaysayan na kumikilala sa Candon bilang bahagi ng ruta ng pagtatanggol sa kalayaan at Unang Republika ng Pilipinas noong Digmaang Pilipino-Amerikano nang 1899. Tunay na dito sa Candon ang pilipino ay bida. Nawa’y manatiling tanglaw ang Candon ng kalayaan at pagkabansang Pilipino.
Maraming salamat po.
Emmanuel Franco Calairo
Tagapangulo