14 February 2023, Museo ni Pio Valenzuela, Lungsod ng Valenzuela

Isa si Dr. Pio Valenzuela sa may pinakamakulay na personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas. Kabilang siya sa patotoo na di lamang maralita ang kasapi ng Katipunan. Mula siya sa maykayang pamilya at naging masugid na tagasuporta sa hangarin ng katipunan na mamayani sa lipunang Pilipino ang pagkakapantay-pantay, katarungan, katiwasayan, kaunlaran, at higit sa lahat, pamamahala sa sariling kapalaran. Ginamit din ni Dr. Pio ang kaniyang ari-arian para sa lalong ikalalaganap ng diwa ng katipunan. Kasama siya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto bilang matataas na opisyal ng Katipunan. Nagsilbi rin siyang doktor at ingat-yaman ng Katipunan.

Saksi rin si Dr. Pio sa simula ng paghihimagsik laban sa Espanya. sa katunayan, siya ang sinugo ng katipunan upang hingan ng payo si Jose Rizal hinggil sa napipintong paghihimagsik. Naroon din si Dr. Pio sa makasaysayang pagpunit ng sedula sa Balintawak noong Agosto 1896. Gayundin, kasama siya sa isa sa mga unang pakikipagsagupa ng Katipunan laban sa mga kawal Espanyol sa Pasong Tamo. Sa kasamaang palad, isa rin siya sa maagang nadakip ng mga awtoridad nang buwang ding nasabi. Siya’y nilitis, pilit pinaamin, at sa katapustapusa’y ipinatapon sa Melilla, Ceuta, Espanya noong ika-20 ng Pebrero 1897.

Naipahayag na ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 1898 ngunit di pa rin nakalaya si Dr. Pio. Nakabalik siya sa Pilipinas sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos sa Paris noong Disyembre 1898. Gayunpaman, ipiniit pa rin siya ng mga bagong panginoon ng Maynila, ang mga Amerikano noong Abril 1899.

Nagkataon namang malaganap ang epidemya ng kolera sa Pilipinas. Kulang ang bansa sa mga doktor. Ang pangyayaring ito ang dahilan upang siya’y palayain ng mga Amerikano. Ayon kay Dr. Pio, “nakalaya ako… at ang nais ko’y huwag piliting manumpa ng katapatan [sa estados unidos].” Dagdag pa niya, “pumayag naman ang matataas na opisyal ng amerika at agad na binuksan ang mga bantay-saradong piitan ng Intramuros.”

Tumanggi si Dr. Pio sa iba’t ibang alok ng mga Amerikano sa kaniya na manungkulan sa pamahalaan. nilangoy niya ang sistema ng demokrasya kung saan ang tao ang siyang pipili ng nais nilang maluklok sa puwesto. Noon ding 1899, siya’y hinalal bilang alkalde ng kaniyang bayang tinubuang Polo, Bulacan. Pansamantala siyang huminto sa panunungkulan dahil naging pandemya na ang Kolera mula 1902 hanggang 1903. Pinili niyang samahan ang kaniyang mga kababayan upang manggamot sa iba’t ibang bayan ng Bulacan hanggang 1917. Nang humupa-hupa na ang kolera, noong 1919, siya’y tumakbo sa pagkagobernador ng Bulacan at natalo. Pinabilang ni Dr. Pio ang mga balota at noong 1921 lumabas na siya’y nanalo. Isa ito sa unang recount sa kasaysayan ng Pilipinas. Muli siyang tumakbo sa pagkagobernador noong 1922 at pinalad na muling manalo taglay ang napakalaking bilang ng boto. sa halalang 1925, natalo siya sa pagkagobernador. naghudyat na rin ito sa kaniyang pagretiro mula sa politika.

Patuloy pa rin siyang tumanggi sa anumang alok na posisyon sa pambansang pamahalaan. tinanggihan din niya ang imbitasyon ni Heneral Artemio Ricarte, na kasama niyang beterano ng Himagsikang Pilipino, na suportahan ang pamahalaang hapones. nanatili na lamang siyang aktibo sa panggagamot hanggang 1953. tatlong taon ang nakalipas, siya’y pumanaw sa edad na 86.

Ang katuturan ng buhay ni Dr. Pio ay ang magsilbi hanggat kaya at bumawi sa mga pagkukulang hanggat may pagkakataon. Ikinagagalak din ng NHCP na ang paghahawi ng tabing sa panandang pangkasaysayang ito ay nataon sa petsa ng pagbubukas ng Museo ni Dr. Pio Valenzuela.