ni Noel B. Gaton, Kurador ng Museo ni Ramon Magsaysay

“Bilang ama ng aming pamilya, ama ng bayan, maganda ang serbisyo niya.  Talagang siya ay nagpapakapagod at sakripisyo para sa bayan at inaalagaan na din niya ang bawat pamilya.  Father of the nation, father of each family.”

  • Milagros Magsaysay-Valenzuela (panayam, 6 Hunyo 2023)

 

Ang “Father’s Day” o “Araw ng mga Ama” ay sinimulan ni Sonora Smart Dodd ng Spokane, Washington bilang parangal sa ama na inalagaan silang limang magkakapatid nang mamatay ang kanilang ina sa panganganak.  Naging inspirasyon niya ang sermon sa simbahan patungkol sa “Mother’s Day” na isa nang pistang okasyon sa Estados Unidos.  Ang unang pagdiriwang ng “Araw ng mga Ama” ay noong ika-19 ng Hunyo 1910, sa kaarawan ng ama ni Sonora Dodd at naging pista opisyal nang lagdaan ni dating Pangulong Richard Nixon ang batas na nagtatakda sa ikatlong linggo ng Hunyo ng pagdiriwang nito.

Taong 1988 ay naglabas si dating Pangulong Corazon Aquino ng Proklamasyon Bilang 266 na nagtakda sa ikatlong linggo ng Hunyo bilang ang “Araw ng mga Ama” at ang ikalawang linggo naman ng Mayo ang “Araw ng mga Ina”. Noong 1998 naman ay naglabas si dating Pangulong Joseph Estrada ng Proklamasyon na nagtakda sa unang Lunes ng Disyembre na magkasamang ipagdiwang “Araw ng mga Ina” at “Araw ng mga Ama.”  Subalit patuloy na pinagdiriwang ng mga Filipino ang ikatlong linggo ng Hunyo bilang pagkilala at parangal sa mga ama sa ating bansa.  Naging bahagi na ito ng ating tradisyon na isinasagawa sa pamamagitan ng mga pagbati, pagbibigay ng regalo at pagsasalo-salong handog para sa “haligi ng tahanan” maging kapiling man sila o yumao na.  Ngayong “Araw ng mga Ama” ay ating gunitain si dating Pangulong Ramon Magsaysay na isang butihing ama ng kanyang pamilya.

Nakilala ni Ramon Magsaysay ang kabiyak na si Luz Banzon habang siya ay mekaniko sa TRY-V-TRAN, isang kumpanya ng bus at mga barko. Matapos ang ilang taong suyuan ay ikinasal sa Simbahan ng Lourdes sa Intramuros, Manila noong ika-10 ng Hunyo 1933, araw ng Sabado.  Araw ng Lunes ay bumalik na siya sa trabaho, patunay na seryoso na maging butihing asawa at tagapagbigay ng pangangailangan ng pamilya.  Nagsimulang manirahan sa Singalong, Maynila at nabiyayaan ang mag-asawa ng mga anak na sina Teresita, Milagros at Ramon Jr subalit namatay ang pang-apat nang ito ay sanggol pa.  Kapag walang trabaho ay naglalaan ng oras si Ramon kapiling ang asawa at mga anak.  Sa mga araw ng Linggo ay nagtutungo ang mag-anak sa Luneta upang magpahinga, lasapin ang simoy hangin ng Look ng Maynila o makinig sa konsyerto ng mga bandang tumutugtog doon.  Nagtutungo din sa mga kainan sa Binondo kabilang ang Panciteria San Jacinto dahil paborito ng amang si Ramon ang mga pagkaing Chinese.

Sa panayam kay Gng. Milagros Magsaysay-Valenzuela, pangalawang anak ng pangulo ay inilahad niya ang ilang mga alaala kapiling ang butihing ama.  Tuwing Easter Sunday o Araw ng Pagkabuhay, silang batang magkakapatid ay “isa-isang iniitsa” o hinahagis pataas ng ama sa paniniwalang tatangkad kasabay ng tunog ng kampana dahil malapit ang kanilang tahanan sa simbahan.  Sa loob ng kanilang tahanan ay umaawit si Monching (palayaw ng pangulo) kasabay ang asawang si Luz na second voice at ang paborito nilang love songs ay “Let Me Call You Sweetheart,” “Goodnight Sweetheart,” o  “Darling I Am Growing Old”  Mahilig makinig ng musika ang kanilang ama sa tahanan. “Ang talagang hilig ng father ko ay music, classical music, yung kay Bethoveen.  Meron pa akong vinyl record noon”, ayon sa anak.

Naniniwala si Gng. Valenzuela na pantay ang pagtingin ng ama sa kanilang magkakapatid kabilang ang pagbibigay ng mga gawaing-bahay. “Si ate ko (Teresita) at si Jun (Ramon Jr.) ay mapapayat.  Ako’y malusog at mahilig sa sports.  Sa assignment sa bahay sa Singalong pa, ang assignment nila ay magpupunas ng alikabok.  Ako, magbubunot.  Sa loob-loob ko ay patas lang un sa ability.

Nahalal bilang ikapitong pangulo ng bansa si Magsaysay noong ika-10 ng Nobyembre at nanumpa noong ika-30 ng Disyembre 1953 sa Independence Grandstand (ngayo’y Quirino Grandstand) sa harap ng libo-libong mga kababayan.  Kanyang binuksan ang Malacañang upang makapasok at makita ng karaniwang mamamayan ang tahanan ng kanilang minamahal na pangulo.  Napakaraming mga proyekto ang kanyang pinatupad upang mapabuti ang kalagayan ng kanyang mga kababayan.  Maituturing siyang “Ama” ng mga kababayan dahil siya ang namumuno, nagkakalinga at makapagbibigay ng kanilang mga kailangan.  Sambit ni Gng. Valenzuela, “Bilang ama ng aming pamilya, ama ng bayan, maganda ang serbisyo niya.  Talagang siya ay nagpapakapagod at sakripisyo para sa bayan at inaalagaan na din niya ang bawat pamilya.  Father of the nation, father of each family.”  Dagdag pa niya, Kahit sinong tao ay inaakbayan nya kahit na siya ay pangulo na. Marahil kaya mahal siya ng mga tao.”  Si Ramon Magsaysay na kahit hawak ang pinakamataas na posisyon ay malapit sa karaniwang tao na handang makinig sa kanilang mga hinaing at sa abot ng kanyang makakaya ay tugunan ang pangangailangan ng mga “Anak” na Filipino.

 Bagamat abala ang pangulo sa mga gawain sa Malacaňang ay naglalaan ng panahon na makapiling ang pamilya.  “Kung mayroong siyang isang oras na pahinga, tatawagin niya kami sa kuwarto niya at magkukwentuhan kami.  Anong nangyari sa eskwela?  Anong sinasabi ng mga estudyante? Anong sinasabi ng teacher? Kumukuha rin sya ng feedback.  Wala naman kaming problema dahil ang nanay ko ang nakatutok.” ayon pa sa kanya.  Tuwing araw Linggo, ang nais ng pangulo ay dumalo ang buong pamilya sa misa sa Malacañang at kumakanta si Gng. Valenzuela noong kabataan niya dahil siya ay nag-aral ng voice lesson at pagkatapos ay sama-samang silang nag-aalmusal.

Tanggap ng kanilang pamilya na marami nang obligasyon ang kanilang padre de familia bilang isang pinuno bago pa man makamit ang pinakamataas na posisyon sa pamahalalan at ang ina ang nag-aalaga naman sa kanilang magkakapatid.  Aniya, “Dahil sya ay busying-busy buhat noong gerilya, congressman, secretary, presidente, hindi na masyadong nakatutok sa amin dahil marami na siyang obligasyon bilang ama ng bansa, ama namin.  Nandun naman nakatutok ang nanay ko.”

Ang panganay na si Teresita ay mahina ang kalusugan nang maging pangulo si Magsaysay at nalulungkot siya kapag nakikitang maysakit ang anak.  Ang mga tauhan sa loob ng Malacañang ay naaalala kapag maysakit si Teresita ay nagtutungo ang pangulo sa silid at dinadamayan siya.  Ang patuloy na pag-aalaga ng ama, ina at mga kapatid ay nakatulong upang siya ay gumaling.  Dahil naman parehas lalaki ay laging kasama ng ama ang bunsong si Ramon Jr. o Jun maging sa kongreso noong siya ay kinatawan pa ng Zambales.  Nanonood rin ang mag-ama ng larong basketball sa Rizal Memorial Coliseum.  Mas gusto ni Jun ang larong basketball kaysa baseball dahil ito ay dynamic at naalala niya na alam ng ama ang pangalan ng mga manlalaro ng basketball teams.

Isang malungkot na alaala ni Gng. Valenzuela ang hindi inaasahang nangyari sa ama na gumulat sa kanilang pamilya at buong bansa.  Habang tutok sa trabaho ang pangulo ay lumapit siya patungkol sa nalalapit niyang pagtatapos sa kolehiyo.  “Nang sinabi kong ga-graduate na ako at kung pwede ba daw siyang maging speaker sa UST.  (Tugon ng pangulo) Gra-graduate ka na?  Ano nga kinuha mo? Political Science, Daddy. Tumawa ang pangulo at aniya, “Baka maging mayor ka? Pero one week before graduation, nag-crash, namatay… Kaya grumaduate ako, patay na tatay ko.  Malungkot.”

Sa paglisan ng kanilang ama ay di malilimutan ang mga kwento at aral na nilahad ni Gng. Valenzuela.  “Hindi niya kami tinuturuan ng values pero nakikita namin sa kanya.  Noong maliliit kami ay kinukwento niya sa amin na noong maliit pa sya ay nagpapastol ng kalabaw at tumutulong siya sa tatay niya.  Estudyante sya at naglalakad siya sa malayo, ng tatlong kilometro, limang kilometro.  So yan din ang tumatatak din sa amin.”  Sa mga katangian ng kanyang ama na dapat taglayin din ng ibang mga ama ay ito ang sinambit nya, “Ipakita ang values by action na mahalaga sa buhay.  Yung humility, character, integrity and work ethics.”  Ang pagiging ama ay isang napakahalagang tungkulin sa pagbuo ng pamilya at ang mga aral at katangiang ipinamalas ng dating pangulong Magsaysay ay nawa patuloy na taglayin ng mga haligi ng ating tahanan.  Bukod sa taguring laan kay Ramon Magsaysay na “Idolo ng Masa” at maaari din natin tawagin siyang “Idolong Ama ng Bansang Filipino”.

Ang pamilya Magsaysay
National Library of the Philippines

 

Nag-aaral si Teresita ng kanyang ama
Life Magazine

 

Isinasayaw si Teresita ng ama
Presidential Library and Museum

 

Ang ika-18 na kaarawan ni Milagros, 14 Nobyembre 1954
Philippine Free Press

 

Hinahalikan ni Ramon Jr.ang ama, 14 Disyembre 1955
National Library of the Philippines

 

Luz at Ramon
National Library of the Philippines

Ramon at Luz bilang Unang Mag-asawa
Philippines Herald Magazine, 9 Enero 1954

 

Nagpapatugtog si Ramon ng turntable kasama ang pamilya.
National Library of the Philippines

Sanggunian:

Felix B. Bautista. Magsaysay, Friend of the Common Man. Minibook Publications, Sta. Cruz, Manila, 1957.

Jose Veloso Abueva. Ramon Magsaysay: A Political Biography, Solidaridad Publishing House, 1971.

Jose Veloso Abueva, Ramon Magsaysay: “Servant Leader” With a Vision of Hope, RMAF and NCPAG-UP, Quezon City, 2012

Manuel F. Martinez. Magsaysay, The People’s President, Salesiana Publishers, Inc. 2005.

Britannica.com/topic/Fathers-Day

https://www.officialgazette.gov.ph/1988/06/08/proclamation-no-266-s-1988/

https://www.officialgazette.gov.ph/1998/12/11/proclamation-no-58-s-1998/