Jose Ruel F. Paguiligan

Isang mahalagang araw ang ika-12 ng Hunyo sa ating kasaysayan bilang mga Pilipino, sapagkat sa araw na iyon taong 1898, ginanap ang pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas sa Cavite El Viejo (Matandang Cavite na ngayon ay Kawit).

Taon-taon, alinsunod sa Administrative Order No. 23 S. 2011, bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng mga pambansang pagdiriwang, naglulunsad ang ehekutibong sangay ng pamahalaan ng isang malawakang implementasyon ng kautusang tagapagpaganap o isang memorandum sirkular sa lahat ng kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan. Dito nakapaloob ang mga hakbang na kailangan, tungo sa makabuluhang paggunita ng mga pambansang pagdiriwang na inaalala at idinaraos sa buong kapuluan ng Pilipinas. Bahagi sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ang pagkakaroon ng sabayang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak. Kabilang ang simbahan ng Barasoain sa piling lugar kung saan itinataas ang ating pambansang watawat kasama ng Dambanang Aguinaldo sa Kawit, Cavite; Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Maynila; Dambana ni Andres Bonifacio sa Caloocan, Dambana ng Pinaglabanan sa San Juan, at sa Pamintuan Mansion sa Angeles, Pampanga.

Mayroong dalawang mahalagang kaganapan sa simbahan ng Barasoain sa ating kasaysayan: ang Kongreso ng Malolos at pagpapahayag ng Unang Republika ng Pilipinas. Dahil dito, idineklara itong isang Pook Pangkasaysayan sa bisa ng Presidential Decree No. 260, s. 1973 at ang Simbahan ng Barasoain ay isinailalim sa pangangalaga ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na siyang naninigurado na nasa maayos itong kundisyon.

Isa rin ang Pook Pangkasaysayang Simbahan ng Barasoain kung saan palagiang nakataas ang watawat sa buong panahon at iniilawan sa gabi.  Ito ay nakatala sa Rule 3, Chapter 1  ng   RULES and REGULATIONS implementing REPUBLIC ACT No. 8491, s. 1998 o kilala bilang “The Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-Of-Arms and other Heraldic Items and Devices of the Philippines.”

Sa taong ito, 125 taon na ang nakalipas nang ipahayag ang Kalayaan ng Pilipinas sa bintana ng mansyon ni Emilio Aguinaldo. Taimtim na binigkas ni Ambrosio Rianzares Bautista, tagapayong pandigma, ang Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino. Ang pangyayaring ito ang patunay na malapit na magwakas ang mahigit sa tatlong-daang taong kolonyal na kapangyarihan ng mga Espanyol sa Pilipinas.

Nang maganap ang proklamasyon sa Kawit, sa araw ding iyon ay dumating si Apolinario Mabini. Tila ba nasira ang masayang diwa ng selebrasyon nang magpahayag ng duda si Mabini sa Acta sapagkat nakapaloob dito na nananatiling protektorado ng bansang Amerika ang Pilipinas at ang ating bandila ay diumano inspirado sa bandila ng Amerika.

Nahaharap sa panganib ang bansa sa pagsakop ng bagong kolonyalista lalo na’t hindi pa tahasang naililipat ang soberanya at kapangyarihan ng Espanya sa mga Pilipino. Alinsunod sa mungkahi ni Mabini kay Aguinaldo, inilipat sa Malolos ang kabisera ng gobyerno at nabuo ang isang asambleya na binubuo ng mga delegado. Noong ika-15 ng Setyembre 1898, naganap ang unang sesyon ng Kongreso ng Malolos.

Ginampanan ng Kongreso ang pagpapatibay ng kasarinlan ng Pilipinas noong ika-29 ng Setyembre 1898. Isinagawa rin ng Kongreso ang pagbabalangkas at pagpapatibay ng Saligang Batas noong Enero 1899 na naglalaman ng istraktura ng pamahalaan, karapatang pantao, at ang paghihiwalay ng estado at simbahan. Ilang araw matapos ang pagsasabatas ng Konstitusyon, naganap ang pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas kung saan si Emilio Aguinaldo ay nahalal bilang kauna-unahang pangulo ng bansa. Saksi ang Simbahan ng Barasoain sa lahat ng pangyayaring ito na siyang nagsilbing daan upang makilala sa buong mundo ang kakayahan ng mga Pilipino na tumayo sa kanilang sariling mga paa at mamuno sa isang mapagpalaya at demokratikong bansa.

Sanggunian:
https://www.dilg.gov.ph/issuances/mc/124th-Observance-of-the-Philippine-Independence-Day-on-June-12-2022/3563
https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/11/41426
https://opinion.inquirer.net/142355/mabini-conscience-of-the-nation#ixzz83LSziX5Z
Ang Kongreso ng Malolos by Rodriguez, Mary Jane B., 1998 p. 45-50
Presidential Decree No. 260, s. 1973